Kulong ang isang babae sa Davao City na nagpa-blotter sa pulisya na na-snatch ng riding in tandem ang bag niya na may lamang pera na mahigit P500,000 matapos na mabistong gawa-gawa lang ang lahat, at kasabwat ang kaniyang nobyo.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Huwebes, nakita sa CCTV footage na may riding in tandem na humablot sa bag ng babae pagtawid niya ng kalsada.
Bago ang insidente, nakuhanan din ng video sa CCTV camera sa opisina na kaniyang pinagtatrabahuhan na inilalagay niya ang pera sa bag.
Sa hiwalay na ulat ng GMA Regional TV News, sinabing dapat na idedeposito ng babae ang naturang pera nang mahablot sa kaniya ang bag.
Matapos ang insidente, nagpa-blotter sa pulisya ang babae pero nagduda ang mga pulis sa kaniyang kuwento.
Nang magsagawa rin ng imbestigasyon ang mga pulisya, iba rin ang kuwento ng mga saksi sa kuwento ng babae.
“Na-snatch daw ang bag niya and hindi niya alam kung sinong nag-snatch, either on foot or naka-motorcyle. Hindi niya alam, which is very unlikely. Doon pa lang nakita na natin, suspicious na ang mga statement,” ayon kay Talomo Police Station Chief, Major Genesis Oriel, sa ulat ng GMA Regional TV.
“Ang statement niya contradicting sa statement ng mga witnesses sa area. Kasi sabi niya, first of all, na-snatch ang bag niya and after snatch ng bag, nagkaroon daw ng commotion, naging hysterical daw siya sa area. We found out na, sabi ng mga security guards at tricycle drivers, wala naman daw nangyari na ganung scenario,” dagdag ni Oriel.
Kalaunan, inamin ng babae ng gawa-gawa lang ang pag- agaw sa kaniyang bag at kasama siya sa nagplano.
Inaresto ang babae ang kaniyang nobyo na kasabwat din sa krimen.
Desidido naman ang manager ng opisina na pinapasukan ng babae na kasuhan ang mga suspek.-- FRJ, GMA Integrated News