Tumabo ng P85 million sales sa box office receipts sa mga sinehan sa Pilipinas ang "Hello, Love, Again" na pinagbibidahan nina Alden Richards at Kathryn Bernardo.

Inihayag ito sa pinagsamang post sa social media ng GMA Pictures at ABS-CBN, ang produksyon sa likod ng pelikula, na nagsimulang ipalabas sa mga sinehan sa bansa nitong Miyerkoles.

Dahil dito, nakapagtala ng record ang naturang Alden at Kathryn movie na highest opening gross para sa isang local film.

Sa isang pahayag, nagpaabot ng labis ng pasasalamat si Alden sa suporta ng mga tao sa pelikula nila ni Kathryn.
 
“Maraming salamat sa mga excited mapanood muli ang kuwento ni Joy at Ethan. Napakasaya namin and we’re very proud of this film and we’re very excited for you guys to see it,” saad ng aktor.

Umaasa naman si Kathryn na mararamdaman ng mga manonood ang pagmamahal sa pelikula nila ni Alden.

 


 
“Just like what Direk Cathy said, ang pangako lang namin sa inyo sa pelikulang ito puso ang ibibigay namin. So I hope after watching this film yun ang maramdaman nyo di lang kay Joy and Ethan kungdi dahil sa buong pelikula,” sabi ng aktres.

Nitong Martes, naging emosyonal sina Alden at Kathryn nang panoorin nila sa unang pagkakataon, kasama ang iba pang cast, ang kanilang pelikula.

Sa direksyon ni Cathy Garcia-Sampana, ang "Hello, Love, Again" ay karugtong ng kuwento ng pagmamahalan nina Joy at Ethan sa 2019 blockbuster movie na "Hello, Love, Goodbye."

Palabas na ang pelikula sa may 1,000 sinehan sa bansa, at nakatakda ring mapanood sa iba't ibang bahagi ng mundo. —FRJ, GMA Integrated News