Mga ibong nahihirapang lumipad, mga lamang-dagat na nawalan ng buhay, at pagtigil ng mga mangingisda sa kanilang kabuhayan – ilan lamang ito sa mga pinsalang idinulot ng oil spill dahil sa paglubog ng tanker na MT Princess Empress noong Pebrero sa Naujan, Oriental Mindoro. Maibalik pa kaya ang nasirang kalikasan na dulot ng insidente?
Sa “Born to be Wild,” makikita ang epekto ng sakuna sa bayan ng Pola, kung saan nagkalat sa dalampasigan ang industrial oil na ginagamit sa mga makinarya.
Isang white-collared kingfisher ang tila normal lamang na manghuhuli ng talangka, ngunit mapapansing dark brown o itim ang kaniyang kulay matapos mabalutan ng langis.
Dahil dito, nabibigatan ang ibon na tila may hinihilang gulong ng truck. Posible ring magdikit-dikit ang kaniyang mga balahibo hanggang sa manghina, hindi na makalipad at mawalan ng buhay sa mga susunod na araw.
Isa ring red-tailed tropicbird ang natagpuang patay sa baybayin, na may tar sa kaniyang mga balahibo.
“If it is not managed properly, we are looking at years of recovery and rehabilitation. With proper management probably it will require three to five years. But without proper containment, it can last longer than that. So we are looking at decades for complete rehabilitation,” sabi ni Dr. Irene Rodriguez ng University of the Philippines Marine Science Institute.
Sa kabutihang palad, hindi lahat ng lugar ay naapektuhan ng oil spill sa bayan ng Pola. Gayunman, dismayado ang mga lokal dahil hindi sila makapangisda at makabenta.
Sinabi ng mga eksperto na aabutin ng anim na buwan hanggang isang taon ang paglilinis ng oil spill. — VBL, GMA Integrated News