May mga virus at bacteria na kasama ng kanilang "host" na mga sinaunang tao o hayop na namamatay ang nalilibing sa makapal na yelo o permafrost. Pero sa pag-init ng mundo, nalulusaw ang permafrost ang nakikita ang mga nakapreserbang relic--pati ang tinatawag ng mga dalubhasa na "zombie virus."
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing dahan-dahan nang natutunaw ang permafrost, na siyang bahagi ng mundo na nananatiling frozen o balot ng yelo, dahil sa global warming.
Sa mga nagdaang taon, ilang mga antigong relic ang nakuha roon tulad ng wooly mammoth at cave bears.
Base sa pag-aaral ni French professor Jean-Michel Claverie, nakuha rin ang virus na nasa 48,500 taon na ang tanda.
Napatunayan na ang tinawag niyang “zombie virus” ay nakaka-infect o nakahahawa pa rin ng single-celled amoebae, patunay na posible rin na maka-infect ang virus ng mga hayop at tao.
Gayunman, hindi pa nila tiyak ang epekto nito.
Maliban sa mga virus, maaaring ring mailabas at ma-activate ang mga bacteria na milyong taon nang nakakulong sa yelo.
Hinuha ng mga siyentipiko, ito ang dahilan ng anthrax outbreak sa mga tao at reindeer sa Siberia noong 2016.
“If the amoeba virus are still alive, there is no reason why the other viruses will not be still alive, and capable of infecting their own hosts,” sabi ni Claverie.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News