Kahit nanggaling sa ibang bansa, nakarating na sa Pilipinas ang mga Maine Coon cat, na triple ang laki kumpara sa mga karaniwang pusa. Pero huwag mag-aalala dahil ang kanilang loyalty at pagiging lovable, higante rin umano.
Sa kuwentong “Dapat Alam Mo!” ni Sandra Aguinaldo, sinabing may habang aabot sa tatlong talampakan at timbang na aabot sa halos walong kilo ang Maine Coon cats.
Higit na malaki sila kumpara sa mga karaniwang pusa na isang talampakan lang ang taas.
Sa kabila ng kanilang laki, hindi raw dapat katakutan ang Maine Coon cats dahil hindi sila mabangis, ayon sa nag-aalaga nito na si Elvis Lo Bracamonte.
Ayon kay Bracamonte, ang kaniyang asawa ang talagang mahilig sa mga pusa.
At sa halip na magpakasal sila noong 2020 na kasagsagan ng pandemya, ipinambili na lang nina Bracamonte ng mga higanteng pusa ang dapat sana’y wedding budget na pinag-ipunan nila.
Hindi inakala nina Bracamonte na ang pagbili nila ng mga higanteng pusa ay mauuwi sa kanilang big-time negosyo bilang mga breeder.
Pero hindi tulad ng ibang breeder, hanggang dalawang beses lamang kada taon pinapaanak nina Bracamonte ang mga alaga nilang pusa para mapangalagaan ang kalusugan ng mga ito.
“Ayaw naming mabugbog ‘yung katawan nila kasi alaga naman talaga namin sila,” sabi ni Bracamonte.
May tatlo silang Maine Coon cats na sina Madoc, Mila at Bentley.
Isa sa mga pinakamatandang breed sa North America at nanggaling sa state ng Maine. Pero ang pag-aalaga ng mga Maine Coon cat ay kagaya rin ng pag-aalaga ng mga karaniwang pusa pero dapat lang na may sapat na lugar upang makagalaw sila.
Panoorin ang video at iba pang tips tungkol sa pag-aalaga ng ganitong uri ng pusa. --FRJ, GMA Integrated News