Puwede nga bang gamitin ng isang ginang bilang ebidensiya sa korte ang mga screenshot ng chat messages ng kaniyang nangangaliwang mister, at umano'y kalaguyo nitong babae?
Sa programang "Sumbungan ng Bayan," tinalakay ang inilapit na problema ng ginang na si "Ann," na kasal sa kaniyang mister at mayroon silang mga anak.
Bukod sa screenshot ng chat messages, may larawan din umano sa cellphone ang kaniyang mister at kabit nito habang nagbabakasyon.
Ayon kay Atty. Conrad Leaño, maaaring kasuhan ni Ann ang kaniyang mister ng paglabag sa anti-violence against women and their children act, in relation sa psychological violence bunga ng pangangaliwa nito o marital infidelity.
"The moment na nagpakasal ang dalawang tao they are bound to love and respect each other. Kaya kapag ganitong nagkakaroon na ng lokohan, kapag hindi na napagkakatiwalaan ang partner, ika nga nangabilang-bahay na, that is maybe ground for psychological violence due to marital infidelity," paliwanag ng abogado.
Bukod dito, maaari din umanong kasuhan ni Ann ang kaniyang mister ng concubinage. Gayunpaman, ipinaalala ni Leaño na may kahirapan na patunayan sa korte ang kasong ito.
Dapat umanong makakuha ng matibay na patunay na nagsasama sa iisang bubong sa iskandalosong paraan ang mister at ang kabit nito.
Halimbawa umano kung nakikita ng mga tao ang dalawa na nagsasama at ipinapakilala pa ng lalaki na asawa niya ang babae.
Sa tanong kung puwede bang magamit na ebidensiya sa korte ang chat massages at larawan, sinabi ni Leaño na maaari itong ikonsidera ng korte.
Ipinaliwanag din ni Leaño ang usapin kung anong messages ang hindi basta papahintulutan ng korte bilang ebidensiya.
"Siguro mapapansin ninyo o may nababasa kayo na 'yung mga text massages na 'yan private 'yan.' So pupuwedeng bang gamitin natin 'yan [ebidensiya]? Puwede," anang abogado.
"Nagdesisyon na po ang Korte Suprema, pupuwede pong gamitin 'yan kung sakaling makaka-obtain kayo ng messages privately. Dahil ang pinoprotektahan lamang ng ating Konstitusyon ay yung intrusion lamang ng government," dagdag ni Leaño.
Patuloy niya, "Ibig sabihin protektado ang inyong private masseges kapag ang gobyerno ang nakakuha nito. Pero kung pribadong indibidwal ang magpipresinta nito, pupuwedeng gamitin ito sa hukuman."
Panoorin sa video ang buong talakayan.-- FRJ, GMA Integrated News