Umaabot na sa mahigit P446 milyon ang jackpot prize sa Ultra Lotto 6/58 ng Philippine Charity Sweepstakes Office. Ano nga ba ang mga dapat malaman ng tumataya sa lotto kapag siya ang masuwerteng nanalo?
Sa Kapuso sa Batas ng "Unang Hirit" nitong Biyernes, ipinaliwanag ni Atty. Gaby Concepcion, na hindi buong mapapanalunan ng isang nanalo ang halagang nakasaad bilang jackpot prize.
Sa ilalim kasi ng batas, mayroong 20% final withholding tax ang mga papremyo sa lotto, o mapapanalunan sa PCSO (kasama ang sweepstakes), maliban na lang kung ang premyo ay P10,000 pababa.
Ipinataw ang 20% final withholding tax sa lotto o PCSO winnings noong Enero 2018 nang maamyendahan ang Tax Code.
Nagsimula raw ang idea na patawan ng buwis ang premyo sa lotto nang may isang balikbayan ang nanalo ng malaking halaga sa lotto noong 2010 nang umuwi siya sa Pilipinas.
Nang panahon na iyon, wala pang tax ang premyo sa lotto. Pero nang bumalik na sa Amerika ang balikbayan, pinatawan ng buwis ang kaniyang premyong napanalunan niya.
Paalala pa ni Atty. Concepcion, patakaran ng PCSO ang "no ticket, no prize." Kaya dapat protektahan ng isang mananaya ang kaniyang tiket para hindi ito mawala, malukot, mabasa, o mapunit.
Dapat na makita ang serial number na nasa ibabang bahagi ng ticket dahil ito ang binabasa ng makina kapag susuriin kung tumama ang hawak na tiket.
Dahil thermal papel ang lotto ticket, huwag na hayaang mabilad ito sa araw o mainitan dahil nabubura ang mga nakasulat rito.
Huwag ding ibigay sa ibang tao ang tiket hangga't hindi nakukuha ang premyo. Dahil kung sino ang may hawak ng tiket, siya ang ituturing na may-ari, at nanalo.
Hanggang isang taon lang maaaring makuha ang tinamaang premyo. Ngunit huwag ding tagalan sa pagkuha sa presyo dahil mabura na ang nakasulat sa tiket.
Nagpayo rin umano ang PCSO na huwag magmadali at huwag ipamalita kapag nanalo sa lotto dahil baka nakawin ang tiket. --FRJ, GMA Integrated News