Isang pambihirang estruktura na ginawa noong panahon ng pananakop ng Kastila sa bansa ang muling masisilayan sa lungsod ng San Juan City na kung tawagin ay “El Deposito.” Alamin ang mahalagang papel ng proyektong ito sa buhay noon ng mga Pilipino sa usapin ng suplay ng tubig sa Kamaynilaan.

Sa kuwento ni Kara David sa programang "Brigada," sinabi ng curator ng Museo El Deposito na si Jonel Rabusa, itinayo ang limang ektaryang tangke ng tubig noong 1870s, at pinasinayaan noong 1880s.

Ayon pa kay Rabusa, ang water reservoir ay isang bahagi ng proyekto ng Carriedo Water Works System. Sa San Mateo River o mas kilala na ngayon na Marikina River, ang pinagmumulan noon ng tubig na nakaimbak sa loob nito.

At mula sa imbakan, dadaloy ang tubig papunta sa iba't ibang bahagi ng Metro Manila para makapagbigay ng supply ng tubig sa halos 300,000 residente noong panahon na iyon.

“May malaking tubo na naka-connect po from Marikina River to El Deposito,” saad ni Rabusa.

“Dati ito po ang pinaka-top or plateau ng burol tapos ito po ‘yung reservoir. Kasi nga po ‘yung San Juan ‘yun ang pinakamataas na area noon. So, para po kapag na-store dito, mataas ang San Juan, kapag dineliver sa Manila mabilis na lang po through gravity,” paliwanag niya.

Binanggit din ni Rabusa na kaya napili ang San Juan na pagtatayuan ng water reservoir dahil ang lokasyon nito ay “volcanic top” kaya matibay.

Pero ang El Deposito hindi lang naging simpleng imbakan ng tubig noong unang panahon. Saksi rin daw ito sa malalim labanan ng rebolusyonaryong Pilipino laban sa dayuhang mananakop.

“Dahil nga po napakahalaga ng tubig ng mga panahong iyon, hawak ito ng Kastila. Kasi ito ang pinaka-source ng tubig ng pinaka-kapitolyo ng Espanyol ang Intramuros. Noong panahon ng rebolusyon, nag-aklas na ang mga Pilipino laban sa Kastila, naisipan noon ng Katipunan sa pamumuno ni Andres Bonifacio nagkaroon ng labanan sa San Juan del Monte o Pinaglabanan or the Battle of San Juan del Monte,” paliwanag ni Rabusa.

“Kasi they wanted to take over, the water system and the armory of the Spaniard in San Juan. But sadly they failed because the Spaniards heavily guarded El Deposito. Kasi alam nila na napakahalaga ang tubig. Kapag naputulan sila ng tubig, mahihirapan sila to fight the revolutionaries,” dagdag pa niya.

Gayunman, sinabi ni Rabusa na sinubukan ulit sakupin ng mga Katipunero ang El Deposito noong 1898 at dito na nga nagtagumpay ang mga mandirigmang Pinoy.

“After the revolutionaries took the reservoir in 1898, dumating naman ang mga Amerikano at nakita rin nila ang kahalagahan ng tubig ng panahong iyon. Kaya po sinakop din ng mga Amerikano,” aniya pa.

“Dahil nga po noong panahon ng Hapon ay giyera, sinakop din po ito ng mga Hapon na hawak dati ng mga Amerikano, so napasakamay din ito ng mga Hapon noong Second World War,” dagdag pa niya.

Samantala, nagsilbi rin daw ospital para sa mga pasyenteng may tuberculosis noong mga panahon ng Amerikano at Hapon ang El Deposito.

Ito rin ay naging imbakan ng mga baril at armas dahil nakahanap na ang mga Amerikano ng ibang water reservoir sa Wawa Dam.

Pero maaari pa kayang pakinabangan ngayon ang El Deposito underground water reservoir? At alamin ang pambihirang paraan na naisip ng mga Kastila kung papaano nila mapapadaloy ang tubig sa iba't ibang lugar sa Kamaynilaan noon.

Tunghayan ang buong kuwento sa video ng "Brigada.'--FRJ, GMA Integrated News