Nang magkaroon ng COVID-19 pandemic, hindi lang ang mga duktor ang nagsagawa ng online consultation sa mga pasyente. Maging ang mga faith healer o albularyo, ginamit din ang modernong teknolohiya ng komunikasyon para "gamutin" pati ang mga nakukulam at sinasapian kahit hindi nila pisikal na kaharap ang "pasyente."
Sa programang "Reporter’s Notebook," ipinakita ng faith healer na si Jhay-em Bañeras, ang paraan niya ng panggagamot online. Gamit ang cellphone at sa pamamagitan ng videocall, dinadasalan niya ang kaniyang mga pasyente ng mga orasyon sa wikang Tagalog o kaya ay Latin.
“Dadasalan ko sila hanggang sa mawala ‘yung kanilang sakit na nararamdaman sa katawan,” ani Bañeras.
Abril ngayon taon nang mag-umpisa siyang manggamot online. Kuwento niya, natuto siyang manggamot matapos magpatingin sa isa ring albularyo noon.
“Biktima rin po ako ng engkanto. Ako na mismo nag-aral noong mga dasal para matanggal sa katawan ko. Doon po nag-umpisa na napunta ako sa panggagamot," paliwanag niya.
Iba't ibang tao ang lumalapit sa kaniya para magpatingin ng kanilang kondisyon. Bukod kasi sa hindi siya humihingi ng bayad, marami na rin daw ang nakapagbigay ng testimonya ng kaniyang panggagamot.
“Kami po manggagamot kaya sa amin pumupunta kasi marami po sila na nakikita na napapagaling namin. Kadalasan mga nagpapagamot po sa akin, nakakaangat po sa buhay. Sila ‘yung kinaiinggitan kaya sila nagkakaganon,” dagdag niya.
Ayon sa Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP), itinuturing ng Simbahang Katoliko na “abomination” ang pangkukulam, pagtawag sa espiritu o ano mang uri paggamit ng "magic" maging para sa panggagamot.
“Ang stand ng simbahan mula pa noong Old Testament ay tungkol sa mga occult," ani CBCP President and CEO Catholic Media Network Director Fr. Francis Lucas.
"Ito ‘yung mga sikretong pamamaraan , kahiwagaan o kapangyarihan. Sinasabing abomination ‘yan…’Yung pangkukulam, pagtawag sa espiritu, paggamit ng magic na panggagamot at iba pa,” dagdag pa niya.
Katulad ni Bañeras, online na rin ang naging paraan ng panggagamot ng traditional healer na si Jay Servito.
Dating photographer at videographer si Servito at natuto umanong manggamot matapos makasama ang isang grupo ng healers. Ngayon, karamihan daw ng kaniyang kliyente ay mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.
“May isang content creator sinama ako, and then nagulat na lang ako albularyo pala ang pupuntahan namin. Doon nagstart ang pangggagamot…pag-aaral,” sabi niya.
Isa sa mga naging pasyente ni Servito si Maria Luz Guanzon, na kinailangan na niyang puntahan sa bahay nito sa Hagonoy, Bulacan. Hindi na raw kasi kaya na online ang paggamot sa sakit nito.
“Four years na siyang kinukulam. Ang nangyari, pinalaki ang right side ng ulo niya,” ani Servito.
Matapos ang halos isang oras na gamutan, napaalis daw ni Servito ang kulam. Gumaan naman daw ang pakiramdam ng pasyente.
“Mabigat as in mabigat. Pero after noong gamutin, medyo umaliwalas na ang pakiramdam,” sabi niya.
Napag-alaman na nauna nang nagpakonsulta si Maria Luz sa doktor at na-diagnose siya na mayroong papillary thyroid carcinoma o cancer, na mula sa thyroid gland.
“Before ang naging karamdaman ko ay goiter. Sinabi sa akin na magpatanggal. Sa takot ko po sa pagamot, pagpapa-opera, 'di ko po siya napa-opera. Ang sabi po ng doktor na tumingin sa akin is nag-metastasis na raw po ang goiter ko,” kuwento ni Maria Luz.
Paliwanag ng cultural anthropologist na si Professor Nestor Castor, malalim ang paniniwala ng mga Pilipino sa mga albularyo.
“Bago pa dumating ang dayuhang mananakop, mayroon nang ganitong paniniwala ang mga Pilipino kasi maraming klase ng sakit ang hindi maipaliwanag. Naghahanap ng ibang explanation ang mga tao,” sabi ni Castor.
Dagdag pa niya, hindi raw madaling matanggal ito sa ating kultura.
“Isa sigurong malaking factor, hangga't ang ating health system ay hindi accessible sa karaniwang tao, magpatuloy at magpapatuloy ang pagtangkilik sa ganitong klaseng katutubong panggagamot,” sabi niya.
Paalala naman ng Simbahan sa mga tumatangkilik: “Kung may mga taong naniniwala ka na mapapagaling ka, ang sinasabi ko lang mag-ingat. Kasi hindi lahat ng nagpapagaling ay mula sa Diyos.”-- FRJ, GMA News