Sa pagpapatuloy ng giyera ng Ukraine at Russia, tumataas pa ang palitan ng piso kontra dolyar. Ano nga ba ang epekto nito sa lokal na ekonomiya, lalo na sa ordinaryong Pilipino?
Sa Need To Know, sinabing nakabase ang palitan ng piso at dolyar sa supply at demand ng dollar sa merkado, sa ilalim ng floating exchange rate system.
Paliwanag ni Francisco Dakila Jr., Deputy Governor for Monetary and Economics Sector ng Bangko Sentral ng Pilipinas, tumaas ang presyo ng langis nang sumiklab ang giyera ng Ukraine at Russia.
"Kung ano 'yung mga inaangkat nating langis noong araw na dati rati ganito karaming dolyar ang kailangan mo, ngayon, halos ang laki ng itinaas. Ang ibig sabihin noon, mas maraming dolyares ang kailangan natin para mabili ang ating pangangailangan at therefore hihina ang palitan ng peso at dollar," sabi ni Dakila.
Pero sa isang banda, magandang balita ito para sa overseas Filipino workers, dahil mas mataas na nilang maipapapalit ang kanilang pera.
"The Filipinos would depend on their Filipino workers abroad. Do you think they are unhappy when the dollars that they get, get P55? No, they are happy," paliwanag ni Professor Winnie Monsod.
"Who are unhappy? The government who has to pay its debts. 'Yung mga humihiram, 'yung peso value ng debt na 'yun tumataas," dagdag niya.
Sinabi ng mga eksperto na mapakikinabangan din ang pagbaba ng piso kung lalakas ang export ng bansa, dahil mas murang mabibili ng mga dayuhan ang mga produktong ine-export ng Pilipinas.
Kasama na rin dito ang labor, land rent, at capital service.
Base naman sa datos ng Philippine Statistics Authority, mayroong trade deficit ang Pilipinas, o mas marami itong ini-import kaysa ine-export.
Base sa datos ng PSA, 5.84 billion USD ang trade deficit ng Pilipinas noong Hunyo 2022, mas mataas kumapara sa 3.33 billion USD noong Hunyo 2021.
Ito ang resulta ng pagtaas ng presyo ng mga produktong inaangkat ng Pilipinas mula sa ibang bansa.
Dahil naman sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng giyera sa Russia at Ukraine, naapektuhan ang presyo ng iba pang bilihin.
Dagdag ni Professor Monsod, hindi niya nakikitang bababa ang inflation sa pagitan ng 2% hanggang 4% ngayong taon.
Sa kalakalan sa merkado ngayon Biyernes, lalo pang humina ang piso laban sa dolyar na nagsara sa palita sa halagang P57.43:$1.--FRJ, GMA News