Mas unahin nating pagandahin ang loob ng ating puso kaysa sa panlabas nating hitsura (Mateo 23:23-26)
NAAALALA niyo pa ba ang awiting "Banal Na Aso, Santong Kabayo" ng Yano, na pumapatungkol sa taong nagbabanal-banalan o nagkukunwaring relihiyoso?
Sabi sa liriko ng awitin, nasa dyip ang isang ale na nagro-rosaryo at nakapikit ang mga mata. At nang pumara ito sa may kumbento, sinabi ng tsuper na sa tamang bababaan lang dahil may nanghuhuli. Nagalit ang ale at mura nang mura.
Ang mga taong ganito ay parang may “split personality” dahil parang nahahati sa masama at mabuti sa kanilang pagkatao. Maaaring hindi pa talaga nila isinusuko sa Panginoong Diyos ng buong-buo ang kanilang sarili.
Hindi pa rin kasi nila kayang kontrolin ang sarili sa paggawa ng masasamang bagay tulad ng galit, pagkamuhi, inggit at iba pa.
Dahil kung talagang ipinaubaya na nila sa Panginoon ang kanilang buhay, makikita na sa kanila ng pagiging banal at relihiyoso. Kakayanin na nila ang maging magpasensiya o maging huminahon. Hindi nila hahayaang kontrolin sila ng masamang ugali.
May mga tao na nakikita lamang ang kanilang kabanalan o pagiging relihiyoso sa panlabas na aspeto o pakitang tao lang. Subalit tandaan natin na higit na pinahahalagahan ng Diyos ang nasa loob ng ating mga puso. Mas sinusukat Niya ang sinseridad ng ating ginagawa.
Ito ang mensahe ng Mabuting Balita (Mateo 23-26) patungkol sa kapaimbabawan ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo. Naganap ito matapos wikain ni Hesus sa kanila na sila’y kahabag-habag dahil sa kanilang labis na kahambugan.
Kinasusuklaman ng Panginoong Diyos ang mga taong masyadong nagmamalaki at nagyayabang katulad ng ipinapamalas ng mga tagapagturo ng Kautusan at Parieso na mababasa natin sa Bibliya.
Sa Pagbasa, mistulang ipinapakita ng mga tagapagturo ng Kautusan at Pariseo sa kuwento na sila’y mapagmahal at masunurin sa mga utos ng Diyos. Subalit kabaliktaran lamang pala ito ng kanilang totoong pagkatao. (Mateo 23:23)
Sinabi ni Hesus sa mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na nililinis nila ang labas ng tasa at pinggan ngunit ang mga iyon ay puno naman ng kasakiman at pagiging makasarili.
Ang ibig sabihin lamang dito ni Hesus na sila’y puro pakitang tao lamang dahil ang laman ng kanilang puso’y punong-puno ng kabulukan. Para bang sinasabi ni Hesus sa kanila at maging sa atin na rin na unahin nating linisin ang ating kalooban bago ang ating panlabas.
May ilan sa atin na mas pinahahalagahan ang panlabas na hitsura sapagkat ito ang madaling makita o mapansin ng ating kapwa. Subalit itinuturo sa atin ng Panginoon na kung ano nakikita sa panlabas ay hindi awtomatikong makikita sa ating puso.
Anong silbi ng magandang hitsura, marangyang kasuotan, magandang bahay o iba pa, kung gumagawa ka naman ng kasamaan at nagsasamantala sa kapwa?
Ang tunay na kalinisan o purity ay nagmumula sa ating kalooban. Dahil kung malinis ang ating kalooban. Ito ang lalabas sa ating mga kilos, salita at sa ating pakikitungo sa ating kapwa.
Hindi lamang natin dapat pagtuunan ng pansin kung ano ang nais makita ng ibang tao sa pamamagitan ng ating panlabas na kagandahan, sa halip dapat nating higit na bigyan ng importansya ang kagandahan ng ating kalooban na kayang makita ng ating Panginoong Diyos.
Manalangin Tayo: Panginoon turuan Niyo nawa kami na pahalagahan at unahing pagandahin ang aming kalooban sa halip na mas pagtuunan namin ng pansin ang panlabas naming hitsura. Dahil alam namin na mas tinitingnan at pinapahalagahan Niyo ang laman ng aming puso. AMEN.
--FRJ, GMA News