Paano ba natin ginagamit ang ating talento at biyayang ipinagkatiwala sa atin ng Diyos? (Mateo 25:14-30).
NAAALALA ko noong araw ang lalaki naming kapitbahay na nagtapos ng civil engineering sa isang prestisyosong unibersidad. Subalit nakalulungkot lamang na hindi niya ginamit ang kaniyang mataas na pinag-aralan.
Sapagkat pinili niyang maging istambay sa kanilang bahay at nilulunod ang sarili sa pag-iinom ng alak. Sa ganitong sistema na lamang umiikot ang kaniyang buhay dahil kontento na siya sa klase ng buhay na pinagagalaw ng kaniyang bisyo.
Ganito ang mensahe ng Mabuting Balita (Mateo 25:14-30) patungkol sa paghahari ng Diyos na inihalintulad sa isang taong naglalakbay, na ipinagkatiwala niya sa kaniyang tatlong tauhan ang kaniyang ari-arian na naglalarawan sa salaping ginto.
Katulad ng kapitbahay namin, tayong lahat ay binigyan ng Panginoong Diyos (kagaya ng ginawa ng lalaki sa Pagbasa) ng kaniya-kaniyang talino at talento upang ang mga ito’y pagyabungin at paunlarin natin.
Maaaring hindi tayo pare-pareho ng talento at talino, subalit marahil lahat naman tayo ay biniyayaan ng Panginoon ng abilidad. Abilidad na dapat nating payabungin--maliit man o malaking biyayang ibinigay sa atin ng Diyos.
Katulad ng mga tauhan sa Ebanghelyo, tayo rin ay pinagkatiwalaan ng Diyos. Kaya nasa diskarte na lamang natin kung paano natin pauunlarin at pasasaganahin ang mga biyayang ibinigay sa atin.
Tutulad ba tayo sa dalawang maabilidad na tauhan sa pagbasa na ginamit ang salapi sa pangangalakal, o sa pangatlong tauhan na ibinaon lang sa lupa ang kaniyang natanggap mula sa kaniyang panginoon? (Mateo 25:16-18)
Nakalulungkot na may mga tao na nabiyayaan ng talento at talino na hindi ginagamit o kung ginamit man ay hindi para sa ikabubuti ng kapuwa. Sinasayang at binuburo nila ang mga biyayang ito gaya ng lalaki sa kuwento na ibinaon lang niya sa lupa ang salaping ginto ng kaniyang panginoon. (Mateo 25:18).
Itinuturo ngayon ng Ebanghelyo na darating ang panahon haharap din tayo sa ating Diyos. Tatanungin Niya tayo tungkol sa mga biyayang ipinagkaloob Niya sa atin habang tayo’y nasa ibabaw ng lupa, at kung paano natin ito ginamit sa makabuluhang gawain.
Kung ika'y isang doktor, nagggamit mo ba ang iyong talento at talino para makatulong sa mga maysakit o ginamit mo lamang natin ito para kumita? Kung ika'y abogado, natutulungan mo ba ang mga inaapi at naghahanap ng hustisya?
Bilang mga Kristiyano, papaano ba naman natin ginamit ang biyaya ng pananampalataya na ipinagkaloob sa atin ng Diyos? Tayo ba’y naging mabuti sa ating kapwa? Binigyan ba natin ng makakain ang mga nagugutom? Binigyan ba natin ng damit ang mga walang maisuot at kinukupkop ba natin ang mga walang matirhan?
Itatanong sa atin ng Panginoong Diyos kung sa papaanong paraan natin ginamit ang mga biyaya, talino at talentong ipinagkatiwala niya sa atin. Ginamit ba natin ito para tulungan ang ating kapwa o para lamang sa ating pansariling interes?
Ikalulugod ng Diyos at lalo pa Niyang pagpapalain ang mga taong ginamit sa tama ang biyayang ipinagkatiwala sa kanila. Subalit kamumuhian Niya ang mga taong tamad at ipinagdamot ang talento at talinong taglay
Nawa’y matutunan natin ang magpahalaga sa mga biyayang ipinagkaloob ng Panginoong Diyos upang lalo pa Niya tayong pagpalain. Sapagkat ang sabi nga sa Pagbasa: “Ang mayroon ay bibigyan pa at mananagana. Ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kaniya ay kukunin pa”. (Mateo 25:29).
--FRJ, GMA News