Dahil sa kagustuhang matulungan ang mga magulang, maagang nagbanat ng buto ang noo'y 17-anyos sa si Receliste "Tanoy" Escolin, at naging macho dancer na kasabayan ng online sensation na si Dante Gulapa. Hanggang sa maging alkalde siya ng isang bayan sa Capiz.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing nasa ikatlong termino na bilang mayor ng President Roxas, Capiz si "Tanoy," na kilala bilang si "Mike Montero" noong nagsasayaw siya sa club.
Kuwento ni Tanoy, second year high school lang ang inabot niya sa pag-aaral dahil kinailangan na niyang magtrabaho upang matulungan ang kaniyang ama na magsasaka at taga-deliver naman ng kawayan ang kaniyang ina.
Lumuwas noon ng Maynila si Tanoy at namasukan bilang waiter. Pero dahil maliit sahod, naengganyo na siyang maging macho dancer.
Aminado si Tanoy na ikinahiya niya noon ang kaniyang trabaho kaya inilihim niya ang pagsasayaw sa club maging sa kaniyang mga ka-boardmate.
Dahil din sa kaniyang trabaho, hindi siya natanggap ng pamilya ng kaniyang nobya na mula sa mayamang angkan.
Pero sa halip na panghinaan ng loob, lalo siyang nagsikap. Nang makaipon, nagnegosyo siya sa taniman sa kanilang lalawigan. Hanggang sa ang isang bar na dating sinasayawan niya sa Iloilo, ibinenta sa kaniya.
Sa unti-unting pagbabago ng kaniyang buhay, unti-unti na rin siyang natanggap ng pamilya ng kaniyang nobya, na naging asawa rin niya.
Dahil sa taglay na karisma at husay sa pamamahala sa mga tao, hinikayat siya ng kaniyang mga kalugar na maging punong barangay. Pero wala pang isang taon matapos maging kapitan, hinikayat naman siyang tumakbong alkalde sa kanilang bayan.
Gaya ng inaasahan, ginamit laban sa kaniya ng mga katunggali sa pulitika ang kaniyang nakaraan bilang macho dancer. Pero sa huli, siya pa rin ang ibinoto ng mga tao.
Ngayon, nasa ikatlo at huling termino na bilang alkalde si Tanoy, na nakasabayan pala noon bilang macho dancer ang online sensation na si Dante Gulapa.
"Mabait na kaibigan. Magaling na performer 'yon [si Dante]. Kapag sumayaw 'to grabe yung palakpakan ng mga guest namin," kuwento ni Tanoy.
Ayon kay Dante, noon pa man ay iniisip na ni Tanoy ang pamilya nito kaya laging nag-iipon.
Matapos ang matagal na panahon na hindi nagkikita, lumipad patungong Capiz si Dante para sorpresahin ang alkalde.
Tunghayan sa video ng "KMJS" ang muli nilang pagtatagpo at may ibubuga pa kaya sila sa paggiling ng katawan? Panoorin.--FRJ, GMA News