Hindi naging hadlang para sa isang lalaki ang pagkawala ng kaniyang buong kaliwang braso dahil sa stage 4 bone cancer para maghatid siya ng kasiyahan at inspirasyon sa pamamagitan ng kaniyang posts online.
Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News "24 Oras," sinabing bago pa man mawalan ng kanang balikat ay abala na noon si Sean Lester Beltran sa pagiging model, vlogger at dancer.
Panganay si Sean sa anim na magkakapatid, na maagang nakipagsapalaran para tuparin ang pangarap niya na maging artista.
Ayon kay Sean, Grade 11 pa lamang siya nang huminto na siya sa pag-aaral, nagbenta ng mga gamit at lumuwas ng Maynila para makabiyahe.
Sumalang din sa maraming auditions si Sean.
Hanggang sa makaramdam siya nang pananakit sa katawan.
"Akala ko po tumatalab na 'yung pag-workout ko, sumasakit na 'yung muscles ko. Magdadalawang buwan na po, hindi pa rin po nawawala kaya napilitan po akong ipahilot po," kuwento niya.
Hunyo 2021 nang magpasuri si Sean sa doktor at dito may nakitang bukol sa kaniyang kaliwang balikat.
Nang ipa-biopsy, dito na natuklasan na mayroong Stage 4 bone cancer si Sean.
"May crack po siya sa loob tapos may bukol na sobrang liit. Naiyak po ako nang sobra, hindi ko po maisip na ganoon po 'yung mangyayari sa akin," ani Sean.
Umabot ang bukol ni Sean ng 45 kilos.
Inoperahan si Sean ngayong buwan ng Hunyo para alisin ang bukol. At para maalis ito, kinakailangang alisin din ang kaniyang buong kaliwang braso at pati na ang bahagi ng palikat.
Pero hindi nagpatalo si Sean sa kabila ng kaniyang pinagdadaanang pagsubok.
"Kahit ngayon po kahit naputulan po ako hindi pa rin po ako sumusuko, dire-diretso pa rin po ako," anang binata.
Imbis na magmukmok, naghahatid ng inspirasyon si Sean sa mga post niya sa Tiktok, na umabot na sa apat na milyong likes.
Hindi nagapi ng cancer ang lakas ng loob at positibong pananaw ni Sean.
Inilahad naman ni Sean na mayroon pa siyang susunod na operasyon matapos may makitang maliit na nodules sa kaniyang lungs.
"Ang nasa isip ko lang po ngayon, mag-recovery, maging inspirasyon po sa mga tao talaga."
"Sa family ko po saka sa mga taong nandiyan po para sa akin nakasuporta," sabi ni Sean tungkol sa pinagkukuhanan niya ng lakas.
"Nagpapasalamat po ako kay Papa God. Siyempre po sa pamilya, at sa sarili ko po, kasi lumaban po talaga ako. Sobrang saya po noon, hindi mo maipapaliwanag 'yung saya mo. Na kahit wala na po ito (kaliwang braso) andiyan ka pa po, mabubuhay ka pa rin nang matagal. Kailangan mo pa ring mabuhay para sa family ko," sabi ni Sean. —Jamil Santos/FRJ, GMA News