Habang may panahon pa, sikapin natin mamuhay sa liwanag kaysa sa mamuhay sa kadiliman (Roma 13:11-14).

“Gawin ninyo ito dahil alam ninyong panahon na upang gumising kayo. Ang pagliligtas sa atin ay higit nang malapit ngayon kaysa noong tayo’y unang sumampalataya sa Panginoon. Namamaalam na ang gabi at malapit nang lumiwanag. Layuan na natin ang lahat ng masasamang gawain at italaga natin ang ating sarili sa paggawa ng mabuti.” (Roma 13:11-12)

NAPAPA-ISIP ako kung minsan kung bakit may mga tao ang labis na nahuhumaling sa paggawa ng kasamaan. Marahil ay alam naman nila kung ano ang kahihinatnan nila sa paggawa ng masamang gawain.

Ngunit mahirap talagang unawain minsan kung bakit may mga tao na pinipiling mamuhay sa kabuktutan kaysa mamuhay ngng matuwid at mapayapa.

Ang pangyayaring ito ay lumalapat sa isinasaad ng Bibliya mula sa Sulat ni San Mateo (Mt. 7:13-14) tungkol sa kuwento ng “Makipot na Pintuan.”

Inilahad sa Pagbasa na mas malapad ang daang papunta sa kapahamakan. Habang makipot naman o makitid ang pintuan sa daang papunta sa buhay na walang hanggan.

Dahil sa maliit ang daan papunta sa matuwid na buhay, mas kaunti ang dumadaan, at mas marami ang pinipili ang mas maluwag na daan ng kapahamakan.

Pinatutunayan lamang ng Pagbasa na talagang nakaukit na sa kasaysayan ng mundo na sadyang mayroong mga tao ang mas naiibigan pang magpakasama kaysa sa magpakabuti.

Kaya pinapaalalahanan tayo ng Pagbasa mula sa Aklat ng Taga-Roma na, “Iwanan na natin ang mga gawain ng kadiliman at isuot na natin ang kabutihan bilang panlaban nating mga nasa liwanag”. (Roma 13:12).

Nang mabasa ko ang Talatang ito, naalala ko ang isa namin kapitbahay na sangkot sa mga masasamang gawain tulad ng pagnanakaw, panghoholdap at pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.

Ang masaklap nito, "minana" ng dalawa niyang anak na lalaki ang masama niyang gawain. At minalas ang isa sa kaniyang anak at nasawi nang tangkain na mangholdap.

Hinabol siya ng mga pulis at tumatakas nang masagasaan siya ng isang bus. Nang mabalitaan ko ang nangyari, naitanong ko sa aking sarili kung saan kaya mapupunta ang kaniyang kaluluwa.

Itinuturo din sa atin ng Pagbasa (Roma 13:11-14) na habang mayroon pang panahon ay sikapin na nating mamuhay sa tamang landas.

“Mamuhay tayo sa liwanag at huwag gugulin ang panahon sa magulong pagsasaya at paglalasing, kalaswaan at kahalayan. Sa alitan at inggitan, ang Panginoong HesuKristo ang paghariin ninyo sa inyong buhay at huwag ninyong sundin ang hilig ng laman”. (Roma 13:13-14).

Alalahanin natin na ang buhay natin ay hiniram lamang natin sa ating Panginoong Diyos. At ang anumang bagay na hiniram ay kailangan nating ibalik mula sa nagpahiram.


MANALANGIN TAYO: Panginoon, nawa’y sa pamamagitan ng Inyong Banal na Espiritu ay maliwanagan nawa ang aming mga isip. Upang mas piliin namin ang mamuhay sa kabutihan kaysa ang mamuhay sa kadiliman. Patuloy Niyo sana kaming patnubayan para huwag kaming maligaw ng landas. Amen.

--FRJ, GMA News