Kamuntik nang mabiktima at makuhanan ng pera ang aktor na si Rocco Nacino matapos siyang padalhan ng mensahe ng isang nagkuwaring si Gabby Eigenmann. Paano nga ba maparurusahan sa batas ang identity theft lalo kung ito ay computer-related?
Sa segment na Kapuso sa Batas ng Unang Hirit, sinabi ni Atty. Gaby Concepcion, na ang identity theft ay paglabag sa Republic Act 10175 o anti-cybercrime law.
Batay sa batas, ang isang tao na gumagamit ng pangalan ng ibang tao para makapanloko ay maaaring magkaroon ng parusa na hanggang 12 taon na pagkakakulong, at multa na P200,000.
Kahit na wala pang krimen o wala pang panlolokong nangyari, maaari pa ring maparusahan ang isang tao na gumagamit ng identidad ng ibang tao ng hanggang anim na taon na pagkakabilanggo.
READ: Rocco Nacino, muntik nang mabiktima ng 'poser' ni Gabby Eigenmann
Samantala, kung ang isang tao ay nabiktima ng isang scammer na nagtatago sa ibang pangalan, maaari pang kasuhan ang suspek ng estafa o swindling sa ilalim ng Revised Penal Code.
Ang parusa sa estafa ay depende sa halaga na nawala sa biktima.
Kung hindi lalagpas sa P40,000 ang nawala sa biktima, posibleng makulong ang suspek ng dalawang buwan at isang araw, hanggang anim na buwan.
Pero kung lagpas sa P40,000 hanggang P1.2 milyon ang nawala sa biktima, makukulong ang suspek ng dalawang taon at apat na buwan.
Ayon kay Atty. Gaby, ang kabuuan na maaaring panagutan ng suspek ay 20 taon na pagkakakulong, at ang pagbalik sa halaga na kaniyang ninakaw.
Panoorin sa video ang buong talakayan.
--FRJ, GMA News