Kabilang ang bahay ng 16-anyos na estudyanteng si Kyle Manlimos sa mga nawalan ng kuryente nang manalasa ang bagyong Odette. Pero sa halip na magtiis sa dilim, gumawa siya ng paraan para magkaroon ng ilaw ang kanilang nasirang tahanan.
Sa video ng GMA Public Affairs Exclusives, sinabing gamit ang lumang elesi ng ceiling fan, gumawa ng DIY na wind turbine o windmill si Manlimos, na pinagkunan niya ng enerhiya para magkaroon sila ng ilaw.
Ayon kay Manlimos, Grade 8 student, nagawa niya ang DIY wind turbine dahil sa natutunan niya sa kanilang science subject tungkol sa eletricity.
"Inapply ko yung ideya na 'yon para magkailaw kami," saad niya.
Hindi lang ang pamilya ni Manlimos ang natuwa sa nagawa ng binatilyo, kung hindi maging ang kanilang mga kapitbahay na ibinahagi rin niya kung papaano niya nagawa ang kaniyang sariling gawang wind turbine.
Paliwanag ng science communicator na si Herlee Quizzagan, nakagawa ng kuryente ang DIY wind turbine ni Manlimos sa parehong paraan na nakagagawa ng kuryente ang windmills
Sa tulong ng hangin, napapaikot ang elesi ng electric fan na nakakonekta sa isang generator. Sa pag-ikot ng elesi, nagpapaandar ang generator para makagawa ng enerhiya.
Mahilig daw talagang magbutingting ng mga gamit si Kyle, na pangarap na makapagtapos ng pag-aaral at maging isang engineer.
Bukod sa DIY wind turbine, nakagawa rin si Manlimos ng DIY na power bank gamit ang lumang baterya ng motorsiklo. --FRJ, GMA News