Kaya ring paramihin ni Hesus ang mga bagay na kulang sa ating buhay tulad ng pagpaparami Niya sa pitong tinapay na ipinamahagi sa napakaraming tao (Marcos 8:1-10).
MAY kilala ka rin ba na kabibili lang ng mga bagong smart phone ay magpapalit na ulit dahil may bago? Sabagay kung may pera naman siya, ano naman ang masama hindi ba? 'Yun nga lang, sana all, ika nga.
Sadyang may mga tao na hindi nakukuntento sa mga bagay na mayroon sila. Kahit sa salapi at maging sa kapangyarihan ay ganoon din. Ang mga mayaman, lalong nagpapayaman, at ang mga nasa katungkulan, mas gustong umangat pa ang posisyon.
Wala namang masama na mag-asam ng karangyaan kung pinaghihirapan niya at wala siyang ibang tao na sinasagasaan o sinasaktan. Lalo na kung ang kaginhawahan na tinatamasa ay ginagamit niya para maiangat din sa buhay ang mga kapus-palad.
Pero ibang usapan na kung mistulang wala nang kabusugan ang paghahangad ng kayamanan o karangyaan. At sa sobrang pagkasilaw, nakalimutan na ang mga aral mula sa Salita ng Diyos, at hindi na marunong gumalang sa ibang tao.
Sa kabilang banda, may mga tao naman na salat sa buhay na hindi pinalad na makatikim ng marangyang pamumuhay. Pero hindi gaya ng ibang nakaririwasa na tila hindi marunong makuntento sa kanilang buhay, ang mga dukha ay simple lang ang hinahangad--ang mairaos ang pangangailangan sa araw-araw.
Ang mga taong namumuhay sa karukhaan, kahit anong maihahain sa hapag basta magtatawid ng gutom ay okey na. Hindi sila maselan sa pagkain o maghahanap ng kung ano-ano pa. Ang mga dukha, madaling makontento sa anumang bagay na mayroon sila.
Sapagkat ang anomang kulang ay kayang punan ng ating Panginoon basta’t manalig lamang tayo sa Kaniya. Katulad ng ginawa ni Hesus sa Mabuting Balita (Marcos 8:1-10) nang paramihin Niya ang pitong tinapay at ilang maliliit na isda para mapakain ang limang libong katao.
Ngunit para sa mga Alagad ni Hesus, tila imposibleng pakainin ang ganoong karaming tao sa kakarampot na tinapay at isdang mayroon sila. Kaya ipinakita mismo sa kanila ni Kristo na ang sinasabi nilang kulang o kapos ay kaya Niyang paramihin at lumabis pa. (Mk. 8:5-7)
Minsan sa ating buhay, lagi din natin iniisip na nagkukulang at kinakapos tayo. Madalas nating sinasabi sa ating mga sarili na napakahirap ng ating kalagayan at malimit tayong magreklamo sa Diyos.
Ang iba, nagrereklamo kahit pa tatlong beses silang kumakain sa isang araw. Kumpara sa mga dukha na kung tawagin ay tatlong kahig isang tuka. O mga taong todo sa pagkayod para mayroong kainin.
Kung minsan, pakiramdam natin ay may kulang pa sa atin. Pero ang totoo, ipinagkaloob ng Diyos sa atin ang ating mga pangangailangan pero hindi lang tayo makontento. Ang iba, makakamit natin ang ating mga pangangailangan pero dapat na magsisikap din tayo. Gaya ng mga ibon na kailangang gumising nang maaga para maghanap ng kanilang makakain.
Maaari din na kaya tayo nakararamdam ng kakapusan sa ating buhay ay dahil kulang tayo sa ating pananampalataya. Alalahanin natin na ang ano mang kulang sa atin ay kayang ipagkaloob at punan ng Panginoon.
Inaanyayahan tayo ngayon ng Ebanghelyo na taimtim nating idulog sa Panginoon ang ating mga pangangailangan at hangarin. At kasabay nito ay samahan ng pagkilos gaya ng ginagawa ng mga munting ibon.
MANALANGIN TAYO: Panginoong Hesus. Inilalapit namin sa Inyo ang mga bagay na kulang sa aming buhay. Samo’t dalangin namin na ito nawa’y paramihin Niyo rin tulad ng ginawa Ninyo sa pagpaparami ng tinapay at isda. Nagpapasalamat kami aming Diyos sa lahat ng mga biyayang ipinagkaloob Niyo sa amin. AMEN.
--FRJ, GMA News