Hilingin din natin  kay Hesus na pagalingin ang ating pagkabingi para marinig natin ang daing ang ating kapuwa (Marcos 7:31-37). Tumingala Si Jesus sa langit at nagbuntong hininga. Pagkatapos ay inutos Niya sa tainga ng lalaki na, “Effata,” na ang ibig sabihi’y “Magbukas ka.” (Marcos 7:34)

NAALALA ko noong araw na madalas kong maiwan sa loob ng sasakyan ang susi nito. Kaya lagi akong problemado sa pagbukas nito.

Mabuti na lamang at nakakaisip ako ng paraan upang ito’y mabuksan. Ang isang paraan ay ang sungkitin ang lock ng sasakyan gamit ang alambre.

Ngunit kailangan mo lang talagang pagtiyagaan ang pagsungkit sa lock sapagkat may kakiputan ang butas kung saan ipapadaan ang alambre patungo sa lock.

Mula noon, pinayuhan ako ng aking yumaong kaibigan na si Raul Beltran na kailangan kong magpaggawa "duplicate” ng susi. Para nga naman kung maiwan ko uli sa loob ang susi, mayroon naman akong “duplicate” para mabuksan ang pinto.

Marahil ay maraming iba pang tao na may ganitong karanasan na may problema sa mga naiiwang pinto o gate na naisasara at hindi mabuksan dahil nakalimutang i-lock na wala ang susi.

Nakakatawa pero ang susi sa mga ganitong problema ay literal na "susi" talaga.

Subalit papaano naman kung ang problema ay ang sarado nating puso at isipan? Hindi "susi" o alambre ang makapagbubukas nito kung hindi mismong si HesuKristo.

Winika ng ating Panginoon sa Mabuting Balita (Marcos 7:31-37) ang salitang “Effata,” na ang ibig sabihin ay “Magbukas ka.”

Patungkol ito sa isang lalaking bingi at pipi. Nakiusap at hiniling ng mga tao kay Hesus na ipatong Niya ang Kaniyang kamay sa lalaki at pagalingin. (Mk. 7:32)

Gumaling ang kapansanan ng lalaki nang hawakan ni Hesus ang dalawang tainga nito.  Nakadinig ang lalaki at nakapagsalita nang maayos.

Ang lang ang tainga at bibig ng lalaki ang nagbukas dahil sa ginawa ni Hesus. Nagbukas din ang pag-asa sa kaniya na magkaroon ng normal na buhay matapos ang maraming taon ng pagiging pipi at bingi.

Itinuturo sa atin ngayon ng Ebanghelyo na katulad ng lalaking may kapansanan, maaari ding magbukas ang nakasarang pinto ng ating puso at isipan para magpatawad, tumulong, magmahal at buhayin ang pananampalataya.

Huwag sana tayong magbulag-bulagan o magbingi-bingihan kung may mga taong lumalapit sa atin upang humingi ng tulong o pang-unawa.

Kapag nakararamdam tayo na sarado ang ating puso at isipan para sa ating kapuwa, magdasal tayo at hilingin sa Panginoon na tayo'y Kaniyang hawakan sa pamamagitan ng Banal na Espiritu upang maliwanagan tayo sa mga bagay-bagay na nangyayari sa ating paligid.

Hilingin natin sa Diyos na nawa’y makalaya tayo mula sa ating “espirituwal na kapansanan.”

MANALANGIN TAYO: Panginoong Hesus, pagalingin Niyo po nawa ang aming espirituwal na pagkabingi, pagkabulag at saradong puso. Nang sa gayon ay madinig, makita at madama namin ang kalunos-lunos na kalagayan ng aming Kapuwa na nangangailangan ng aming tulong at pang-unawa. Nawa’y sa pamamagitan ng Pagbasa, tuluyan na kaming makalaya mula sa aming “espirituwal na kapansanan.”AMEN.

--FRJ, GMA News