Nagbigay na ng pahayag si Ken Chan kaugnay sa inilabas na arrest warrant ng korte laban sa kaniya bunsod ng kinakaharap niyang kaso na syndicated estafa.
Sa naturang pahayag na naka-post sa Instagram account ng aktor, ipinaliwanag ni Ken na nagsara ang negosyo niyang Café Claus na mayroong tatlong branches matapos na hindi ito magtagumpay.
"Hindi po ako nanloko ng tao, naitayo po ang negosyo ngunit hindi ito nagtagumpay," ani Ken.
Nitong nakaraang linggo, nagtungo sa bahay ni Ken sa Quezon City ang ilang pulis para arestuhin siya at isilbi ang arrest warrant pero hindi siya nakita roon.
Ayon kina Atty. Joseph Noel Estrada at Atty. Maverick Romero ng Estrada & Aquino Law Office, na kumakatawan sa nagrereklamo na hindi pinangalanan, may pitong kasama si Ken sa isinampa nilang kaso na syndicated estafa-- kaso na walang piyansang nakalaan maliban na lang kung papayagan ng korte.
Sinabi ni Estrada, na hinikayat umano ni Ken ang kanilang kliyente na maglagay ng puhunan sa naturang restaurant business na may pangakong matatanggap na 10% monthly interest.
Umabot umano sa P14 milyon ang nakuha ng grupo ng aktor mula sa nagreklamo.
Itinanggi naman ni Ken sa kaniyang pahayag ang naturang alegasyon.
"Hindi po ako nanghingi lang ng pera at nanloko tulad ng akusasyon sa akin. Nalugi po ang Café Claus at isa sa malaking dahilan na rin ay dahil sa ilang business partners naming na nagplano para pabagsakin ang kumpanya at patuloy na sirain ang aking pangalan," pahayag ng aktor.
Sinabi ni Ken na magbibigay pa siya ng iba pang detalye sa tamang oras kung bakit bumagsak ang negosyo. Ipinaliwanag din niya na pinili niyang manahimik habang hinaharap ang usapin sa legal na proseso.
Giit niya, hindi siya tumatakbo palayo sa laban tungkol sa kaniyang kaso.
"Lumalaban po ako at hindi tumatakbo palayo sa isinampang kaso sa akin. Mahigit isang dekada kong pinaghirapan ang aking career at hindi dahil sa akusasyon ng iilan ang magtatapos ng napakagandang future na inilaan para sa akin ng Panginoon," sabi ni Ken.
Nagpasalamat din si Ken sa mga sumusuporta at nagdarasal para sa kaniya.— FRJ, GMA Integrated News