Nagsalita na si Rita Daniela matapos niyang sampahan ng reklamong act of lasciviousness ang aktor na si Archie Alemania.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canla sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Rita na ginagawa niya ang lahat para maging OK siya para sa kaniyang anak na si Uno.
"I have to be OK. I have no choice because siyempre, there's a person who's depending on me. If bibigay ako, mas kawawa si Uno. Mas kawawa 'yung anak ko," saad ng aktres.
Ayon kay Rita, sinimulan na niyang sumailalim sa counseling at therapy para tulungan ang kaniyang sarili upang maging matatag at mag-move forward. Gayunman, hindi raw niya puwedeng kalimutan ang mga nangyari.
"There are days na hindi ko rin napipigilan. Bumibigay ako bilang tao," paglalahad niya.
Ayon pa kay Rita, may mga kababaihan na nagpahayag ng suporta sa kaniyang ginawa.
"They've been telling me personally na, 'Hey, I like what you did. You're so brave. I hope I can be like that for myself before.' It took me a while talaga to do this, kung ano man 'yung ginawa ko kasi talagang, maliban sa pagdadasal, kailangan din ng ano eh, 'yung talagang pagnilay-nilayan mo lahat s'yempre," ayon sa aktres.
Sa reklamo ni Rita, sinabi ng aktres na hinawakan at hinalikan siya ni Archie nang wala siyang pahintulot.
Nangyari umano ang insidente sa isang Thanksgiving party noong Setyembre.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng panig si Archie.—FRJ, GMA Integrated News