Sinagot ni Hesus ang mga Pariseo: "Hindi ba ninyo nabasa kailanman ang ginawa ni Haring David noong siya at ang kaniyang mga kasamahan ay nangangailangan at nagugutom?" (Marcos 2:25).
HINDI ko malilimutan ang madalas na sinabi sa amin ng aming lola noong musmos pa kami at sobrang likot na, "Huwag kayong masyadong maligalig dahil nagagalit ang Diyos sa mga batang magulo."
Kaya naman kaagad kaming titigil sa paglilikot dahil ayaw siyempre naming magalit sa amin ang Diyos.
Ang sinabing iyon ng aming lola ay tumatak sa aming mga isipan sa paglaki na parang isang batas. Isang batas ng Diyos na kailangan namin tumalima para hindi magalit sa amin ang Diyos at kami ay parusahan.
Kaya minsan, ang batas ng Panginoong Diyos ay nagiging mahigpit at hindi makatao dahil na rin sa mga tao na silang nagbibigay ng iba't ibang interpretasyon at gumagawa nito.
Gayung ang tunay na layunin ng ating Panginoon ay ayusin natin ang ating pamumuhay.
Ganito ang tema ng Mabuting Balita (Marcos 2:23-28) tungkol sa pagkakaroon ng maling interpretasyon ng mga Pariseo sa mga batas ng Diyos.
Para sa Pariseo, napakahalaga na sundin ang mga batas ng Diyos kahit hindi na isinasa-alang-alang ang kapakanan at kagalingan ng mga tao.
Nangyari ito nang minsan dumaan si Hesus at mga Alagad Niya sa bukirin ng trigo sa araw ng pamamahinga. Habang naglalakad ang mga Disipulo, nagsimula silang mamitas ng mga uhay. (Marcos 2: 23)
Kaya winika ng mga Pariseo kay Hesus na ang ginagawa ng Kaniyang mga Alagad ay mahigpit na ipinagbabawal sa araw ng pamamahinga o ang araw ng Sabbath, alinsunod sa paniniwala ng mga Judio sa batas ng Diyos.
Kaagad na ipinagtanggol ng Hesus ang Kaniyang mga Alagad sa pamamagitan ng pagsasalaysay sa ginawa noon ni Haring David nang magutom ito at ang kaniyang mga kasamahan. (Marcos 2:25-26)
Kinain nina Haring David ang tinapay sa loob ng Templo na tanging mga Pari lamang ang maaaring kumain. Gayunman, hindi sila kinastigo ng Diyos dahil sa ginawa nila. (Marcos 2:25-26)
Sa naging paliwanag ni Hesus sa mga Pariseo, lumitaw lamang ang kakitiran ng kanilang mga isip at kawalang malasakit para sa mga taong nangangailangan. Lalo na sa mga taong nagugutom at nangangailangan.
Ipinapaalala sa atin ng Pagbasa na makatarungan at maunawain ang ating Panginoong Diyos. Para sa Kaniya, mas mahalaga ang buhay ng tao kumpara sa anumang batas na ipinaiiral ng tao. Sapagkat mas importante para sa Diyos ang ating kapakanan.
Ngunit minsan, ang tao na rin mismo ang nagbibigay ng maling interpretasyon sa mga batas ng ating Panginoong Diyos. Nagkakaroon din ng takot ang mga tao sa Kaniya dahil sa mga batas na gawa-gawa o inimbento lamang ng tao at iniuugnay sa ating Panginoon.
Ang batas ng tao at ang batas ng Panginoong Diyos ay binalangkas para ituwid at ayusin ang buhay ng mga tao. Hindi ito nilikha upang manupil kung hindi magpahayag ng pagmamalasakit.
MANALANGIN TAYO: Panginoon, turuan Niyo po kami na maging makatarungan tulad Ninyo. Nawa'y mas unahin din namin ang kapakanan ng aming kapuwa dahil gaya mo, nakapahalaga pa rin ang pagmamahal at malasakit sa mga tao kumpara sa pagpapairal ng anumang batas. AMEN.
--FRJ, GMA News