Walong taon makalipas salantahin ng bagyong "Yolanda" ang Tacloban City, isang batang babae ang sinasapian umano ng kaluluwang nagpapatulong na mahanap ang mga buto ng pumanaw din nitong kapatid.
Sa ulat ni Kara David sa "Brigada," makikita ang sinasabing pagsanib ng kaluluwa sa 12-anyos na si Rona, hindi niya tunay na pangalan, residente sa Barangay San Jose.
Ayon sa kapatid ni Rona na si Marian, nagsimulang saniban ang kaniyang nakababatang kapatid nang may makita raw itong babae habang nangunguha ng kangkong.
Tumakbo papasok sa bahay si Rona na nanlilisik daw ang mga mata ni Rona at galit na galit.
"Kukunin ko si [Rona] kasi matatakutin itong batang ito," sabi ni Marian.
Inilahad naman ni Rona ang kaniyang mga nakikita.
"Mga patay, ang sinasabi na lang nila gusto nila akong kunin... Si Sarah po, gusto niyang hanapin ang ulo ng kapatid niya, si Maria," sabi ni Rona.
Ayon kay Rona, itinuro ng sumasanib sa kaniya ang lugar kung nasaan ang buto ng kapatid nito. Sinabi naman ng kaniyang mga kaanak na ang buhay daw ni Rona ang magiging kapalit kung hindi ito maibibigay.
Habang kinakapanayam si Marian sa online, may nakita umanong kaluluwa ng lalaki at bata si Rona kaya naantala ang kanilang pag-uusap ni Kara.
"Hindi raw tayo makakalabas," sabi ni Rona na mensahe raw ng mga kaluluwang nakikita niya.
Sinabi naman ng mga residente sa barangay na wala silang kilalang Sarah o Maria na nakatira sa lugar.
Ang pamilya nina Rona, wala sa Tacloban nang mangyari ang bagyong Yolanda, at nasa Iligan kasama ang kanilang ina na naghahanap-buhay.
Nakabalik lang ang kanilang pamilya sa Tacloban noong 2018, at kasalukuyang nasa Maynila ang kanilang ina na nagtatrabaho bilang caregiver.
Ayon kay Dr. Joan Perez-Rifa, fellow sa Philippine Psychiatric Association, maraming dahilan kung bakit may naririnig o pakiramdam si Rona na may sumasanib sa kaniya. Kabilang umano rito ng traumatic experiences.
Sinabi naman kay Fr. Francis Lucas, na mabilis masaniban ang mga kabataan kung wala silang pananalig sa Diyos.
"Kapag ikaw ay hindi naniniwala sa Diyos, alam mo na ang lahat ng kapangyarihan ay galing sa tao, madali ka [saniban]," sabi ni Fr. Lucas.
Noong Nobyembre 8, nahukay sa isang lugar ang ilang buto ng tao. Paniwala ng pamilya ni Rona, mga buto ito nina Sarah at Maria, ang kaluluwang sumasanib sa bata.
Ibinigay ang mga buto sa lokal na pamahalaan ng Tacloban at kanilang inilibing.
Isang mensahe naman ang ipinaabot umano ng kaluluwa ni Sarah para kay Rona.
"Papunta na ako sa langit... Gusto ko lang namang maging mabait," mensahe umano ni Sarah kay Rona.
--FRJ, GMA News