Hindi lang isa o dalawa kundi mahigit sa 150 na pusa ang inaalagaan ng isang mag-ina sa kanilang tahanan na tinawag na "The Cat House" sa Cavite City. Ano nga ba ang nag-udyok sa kanila na gawin ito at paano nila natutugunan ang gastos para mapakain ang mga alaga.
Sa "Stories of Hope," ikinuwento ni Arizza Aying, Mama ng "The Cat House," na lumaki siyang may mga kasamang sinagip na hayop dahil mahilig nang tumulong ang kaniyang mga magulang sa mga stray at homeless animals.
Taong 2009 nang magkaroon sila ng isang cattery dahil dumarami na ang kanilang mga inaalagaang nasagip na pusa.
Dahil na rin sa dami ng taong gustong malaman ang mga kuwento ng kanilang mga sinagip na pusa, sinimulan nila ang "The Cat House" na social media page.
Tinatayang nasa 30 hanggang 55 ang community cats na bahagi ng Trap, Neuter, Return (TNR) na nananatili sa outdoor enclosure.
Ang iba ay maysakit kaya ginagamot samantalang ang iba ay foster, o hindi kayang alagaan ng mga may-ari kaya sina Arizza muna ang nag-aalaga.
Ang mga nasa loob naman ang mga nasagip na adult at kitten, na bumubuo ng halos 100 na mga pusa.
Sa ngayon, mayroong 153 na pusa at walong aso ang nasa foster care ang The Cat House.
Noong magsimula ang pandemya, dumami ang stray cats na hindi naipakakapon, dahil maraming tao ang hindi nakalalabas ng mga bahay nila.
"'Yung mga rescues namin ay kalimitan 'yung mga dying na talaga sa kalye at 'yung mga galing sa pang-aabuso na mga hayop," sabi ni Arizza.
"Hindi po kami naka-focus talaga sa rescuing. Ang gusto lang talaga naming mag-ina is makapag-educate ng iba na pahalagahan 'yung strays, homeless animals," dagdag ni Arizza.
Katuwang ni Arizza ang anak niyang si Cariz "Mimi" Dungca sa pag-aalaga sa kanilang mga pusa.
Kahit madami ang mga alagang pusa, kabisado nina Arizza ang bawat pangalan ng mga pusa at kung saan sila nasagip at kung kailan.
Ang ina ni Arizza na si Grace Aying bumibili ng limang kilo ng isda kada araw para sa mga alaga, na kasya na sa buong maghapon.
Kaya naman gumagastos ang mag-iina ng P1,500 hanggang P2,000 araw-araw para sa pagpapakain ng mga pusa.
Para matugunan ito, may dalawang online jobs si Arizza bilang English tutor at isa pa sa logistics.
--FRJ, GMA News