Dahil sa patuloy na pagtaas ng mga produktong petrolyo, apektado rin nito ang presyo ng ilang pangunahing bilihin, at iba pa.
Sa "Reporter's Notebook," sinubukan ng host na si Maki Pulido na pagkasyahin ang P537 na minimum wage sa pagbili sa Commonwealth Market ng pagkain para sa isang pamilya.
Ayon sa mga tindera, nagtaas ng presyo ang manok sa P135 kada kilo matapos madagdagan ng P10. Kaya naman, kalahating kilo lang ang binili ni Maki na nagkakahalaga ng P96.00.
Bumili rin siya ng ilang piraso ng itlog at dalawang kilo ng pinakamurang bigas na P36/per kilo. Matapos nito, nasa mahigit P300 na lang natitira sa pera ni Maki.
Tumingin din si Maki ng mga pangrekado gaya ng sibuyas at bawang, prutas at gulay, na ngayon ay nagkakaroon din ng kontrobersiya dahil sa pagpasok ng mga imported na produktong agrikultura.
Pinaigting naman ng Bureau of Customs ang kanilang pagbabantay sa mga pantalan para matukoy ang pagpasok ng mga smuggled na agricultural products.
Matapos makapamili ng pangrekado at gulay, P266 pa ang natitira sa pera ni Maki.
Ibig bang sabihin nito ay sapat ang daily minimum wage na sahod ng manggagawa para sa pangangailangan ng isang pamilya sa isang araw? Panoorin ang buong ulat ni Maki sa video.
--FRJ, GMA News