"Ngunit dahil kay Cristo, ang mga bagay na maaari kong ibilang na pakinabang ay inari kong kalugihan. Oo, inari kong kalugihan ang lahat ng bagay bilang kapalit ng lalong mahalaga... ang pagkakilala sa kay HesuKristo na aking Panginoon". (Filipos 3:7-8)
May mga bagay na ipinagkakaloob sa atin ng mundong ito na itinuturing natin minsan na malaking pakinabang para sa atin--kabilang na ang masasamang bisyo.
Sapagkat ang mga bagay na ito ang nagbibigay sa atin ng kaligayahan at kaginhawahan dahil nagagawa nitong makalimutan natin ang ating mga problema kahit pansamantala lang.
Subalit ang malaking katanungan ay saan tayo dinadala ng ating labis na pagkahumaling sa masasamang bisyo? Ano ba ang ginawa ng mga bagay na ito sa ating buhay?
Ang mga masasamang bisyo (gaya droga, alak, pambabae, pagsusugal, at iba pa) ay mga uri ng tukso at mistulang "bulok na mansanas." Maganda at kaaya-aya ang hitsura sa labas, ngunit inuuod ang loob. Alalahanin natin na ang tukso ay laging nag-aanyong maganda para manghikayat ng kaniyang biktima.
Malinaw na sinasabi sa Unang Sulat ni San Juan na, "Ang umiibig sa Sanlibutan ay hindi umiibig sa Diyos Ama". Kaya pinapayuhan tayo ng Pagbasa na huwag nating ibigin ang Sanlibutan o ang mga bagay na nasa Sanlibutan. (1 Juan 2:15-17)
Nabasa natin sa Talata (Filipos 3:7-8) na itinuturing na isang malaking kalugihan ang mga bagay na inaari natin na isang malaking pakinabang.
Nagagawa man ng masasamang bisyo na pansamantala tayong nakatakas sa ating mga problema, ngunit hindi rin maglalaon ay babalik pa rin tayo sa ating normal at masalimuot na pamumuhay.
Hanggang sa unti-unti na tayong nababaon sa kasalanan at tuluyang napapalayo sa TUNAY na kapakinabangan at KALIGAYAHAN-- ito ay ang ating relasyon sa Panginoong Diyos.
Inilalayo tayo ng masasamang bisyo sa Panginoon, at nagsasayang tayo ng mahabang panahon sa mga bagay na magpapahamak sa ating pisikal na katawan at kaluluwa.
Ang masamang bisyo na inakala nating pintuan para matakasan ang mga problema, ang totoo ay panibagong problema pala ang idudulot sa atin.
Ang tunay na makatutulong sa ating mga suliranin at mga bumabagabag sa ating puso at isipan ay ang pananalig natin sa Panginoon. Hanapin natin sa ating puso si HesuKristo at dito natin napagnilay-nilayan ang ating buhay.
Tanging kay Hesus lamang natin matatagpuan ang tunay na kaligayahan. Winika Niya na Siya ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay. At walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan Niya. (Juan 14:6)
Walang maaaring humigit pa sa tunay na kaligayahang maibibigay ng ating pagtitiwala at pananampalataya sa Panginoong Hesus. Ito ang tunay na kaligayahang nagbibigay sa atin ng totoong kapakinabangan. (Filipos 3:8)
Kung uumpisahan nating tumalikod sa ating mga kasalanan, magsisi at tanggapin si Hesus bilang Diyos at Tagapagligtas, matatanggap natin ang Kaniyang kapatawaran kung magtitiwala lamang tayo sa Kaniya.
Manalangin Tayo: Panginoon Hesus, humihingi po kami ng kapatawaran para sa lahat ng aming mga kasalanan at pagkalulong sa masamang bisyo. Mula ngayon, Ikaw ay tinatanggap na namin sa aming buhay bilang Diyos at Tagapagligtas. AMEN.
--FRJ, GMA News