Ikakasal na sana si Camille Santos sa kasintahan niyang pulis nang masawi ang binata sa isang engkwentro laban sa mga rebelde sa Camarines Norte noong Marso. Pero kahit wala na ang kasintahan, patuloy pa rin niyang pinapadalhan ng mensahe ang nobyo.

Sa isang episode ng programang "On Record," hindi napigilan ni Camille na maging emosyonal nang sariwain ang huling pag-uusap nila sa chat noong Marso ng nobyong si Police Corporal Benny Bakurin.

"Nagpaalam na siya nung gabi na 'yon, nag 'I love you' na siya sa'kin. Sabi niya 'ma, matulog na ko, 1 a.m. kasi duty.' Ako sabi ko, 'okay, matulog ka na,' tapos. nag 'I love you' rin ako sa kanya," kuwento niya.

"Tapos, after one hour, may nag-contact na sa akin, tapos sabi niya 'Beh, alam mo ba may encounter ngayon? Grabe ang putukan,'" patuloy niya tungkol sa nangyaring engkuwentro noon sa Labo, Camarines Norte.

Naging magkasintahan ang dalawa noong 2014, at napag-uusapan na nila ang pagpapakasal noong 2019.

"Excited na kami kasi ready na halos lahat — okay na 'yung family ko and family niya, naghihintay na lang kami noon ng tamang oras para i-ready na rin ang lahat ng requirements," ayon kay Camille.

"Wala pong araw na hindi ako umiyak tungkol sa kanya, kasi iba po eh. Seven years is seven years, hindi yan mababago ng kahit na sino," saad niya.

Ayon kay Camille, patuloy pa rin niyang kinakausap si Benny kahit wala na ang nobyo.

"Nasa punto ako na naghihintay ako na sana bumalik siya. Lahat ng puwede kong sabihin na kuwento ko sa chat sinasabi ko sa kaniya-- problema man 'yan, masayang pangyayari man 'yan, lahat, gusto ko updated siya," sabi ng dalaga.

"Tutulungan ko po 'yung sarili kong lumaban, bumangon [at] magrecover kahit alam kong sobrang hirap para sa akin, kasi ikaw [Benny] 'yung pinangarap ko na lalaking mapapangasawa ko. Hanggang sa maging ok na po ako, mahal ko siya," patuloy niya.

Ayon sa isang psychiatrist, bahagi ng healing process ni Camille ang pagpapadala ng mensahe kay Benny.

"Lahat ng ginagawa mo ngayon, if you feel na nakakatulong 'yon, nakakagaan 'yon sa emotions mo, then continue doing that kasi kanya-kanya tayo ng process of healing. Walang magic formula," payo ni Dr. Joan Mae Rifareal kay Camille.

"Mas maganda talaga is i-feel talaga natin siya rather than i-deny natin ang emotions," dagdag niya.

May nagtatanong din kay Camille kung hanggang kailan niya padadalhan mensahe si Benny at puntahan ang puntod nito, tugon niya; "Hanggang kaya...hanggang puwede." —FRJ, GMA News