Nagtaka ang mga nakatira sa isang bahay sa Bay, Laguna nang makitang hindi umaagos nang tama ang tubig sa kanilang kanal. Nang alamin nila ang dahilan, nakita nila na mayroong nakalabas na mahabang buntot.
Sa programang "Born To Be Wild," ikinuwento ni Robelyn Bautista na noong nakaraang buwan nangyari ang insidente.
Ang kuya raw niya ang nakakita sa buntot at naghanap ito ng paraan upang mahila ang hayop na nalaman nila kinalaunan na isang bayawak.
Sa video, makikita na gumamit pa ng basahan at tali ang lalaki para mailabas ang bayawak sa loob ng kanal.
Nang mahatak na niya ang bayawak, inilabas niya ito sa kalsada habang hawak pa rin sa buntot.
Dinaganan niya ng kahoy kinalaunan ang ulo ng bayawak para mahawak niya ang hanap at ganap na mahuli.
Ligtas naman daw na naibigay nila ang bayawak sa mga kinauukulan.
Hindi raw alam nina Robelyn kung saan posibleng nanggaling ang bayawak.
Kaya naman nagsagawa ng imbestigasyon ang host ng programa na si Doc Ferds Recio, at sinuri din niya ang kalagayan ng bayawak kung maaari pa ba itong ibalik sa wild.
Panoorin ang video at alamin kung ano ang kaniyang natuklasan.
--FRJ, GMA News