Huwag natin kalimutan ang laging magpasalamat sa Diyos. May problema man tayo o wala (17:11-19).
TALAGANG napaka-mapagbigay ng ating Panginoong Diyos. Walang pagkakataon na hindi Niya ipinagkaloob ang ating mga hinihiling. Kahit pa nga minsan ay nakakalimutan natin ang magpasalamat sa lahat ng mga biyayang ipinagkaloob Niya sa atin.
Kahit minsan naaalala lamang natin ang Panginoon kapag tayo ay nahaharap sa mga mabibigat na suliranin sa ating buhay, patuloy pa rin Niya tayong tinutulungan.
Itinuturo sa atin ngayon ng Mabuting Balita (Lucas 17:11-19), ang pagpapasalamat sa Diyos hindi lamang sa panahon na natanggap na natin mula sa Kaniya ang ating kahilingan kundi sa lahat ng pagkakataon.
Ang pagtanaw ng utang na loob sa Panginoong Diyos ay mababasa natin sa kuwento ng sampung ketongin na pinagaling ni Hesus.
Sa kuwentong ito, sinalubong si Hesus ng sampung ketongin na humihiyaw ng: "Hesus, Panginoon Mahabag po Kayo sa amin". (Lk. 17:12).
Habang naglalakad ang sampung ketongin papunta sa mga Saserdote katulad ng iniutos sa kanila ni Hesus, silang lahat ay gumaling. Ngunit tanging isang ketongin lamang ang nakaalalang bumalik para magpasalamat kay Hesus. (Lk. 17:14)
Habang ang siyam na ketongin ay hindi nakaalalang bumalik upang magpasalamat sa ating Panginoong HesuKristo. (Lk. 17:17).
Ipinapaalala sa atin ng Pagbasa na minsan ay lumalakas lamang ang ating pananalig sa Diyos sa tuwing tayo ay nakakaramdam ng mabibigat na pasanin sa ating buhay at kinakailangan natin ang Kaniyang tulong.
Subalit sa oras na bigyan na ng Panginoong Diyos ng lunas ang ating mabibigat na problema, at bahagyang gumaang na ang ating pasanin, doon naman tayo nakakalimot na magpasalamat sa Kaniya.
Hindi dapat ganoon ang maging pagtingin natin sa Panginoon. Kung sa panahon lang ng problema natin maaalala Siya, baka bigyan Niya tayo nang bigyan ng problema para lagi natin Siyang maalala at kapitan. Ayaw naman siguro natin ng ganun.
Kaya huwag nating tutularan ang siyam na ketongin na hindi na nakaalalang bumalik at magpasalamat kay Hesus. Ang tawag sa ugaling ito ay, "walang utang na loob." At dapat nating tularan ay ang nag-iisang ketongin na bumalik kay Hesus at nagpasalamat.
Kahit wala tayong mabigat na problema at mga alalahanin, hindi tayo dapat huminto sa pagpapasalamat sa Panginoon. Sapagkat hindi naman mahirap ang magsabi ng, "Salamat sa Panginoong Diyos."
Sa araw-araw ng ating buhay, may dapat tayong ipagpasalamat sa Diyos. Dahil sa bawat araw na tayo ay gumigising at may pagkain na pinagsasaluhan ang ating pamilya, ito'y mga biyayang dapat nating ipagpasalamat sa Panginoon.
Kahit sa panahong ito ng pandemya na napakaraming problema, higit na isipin ang positibong mga nangyari sa halip na maghihinakit. May kasabihan nga na habang may buhay ay may pag-asa.
Habang kumakapit tayo sa ating pananampalataya, hindi tayo pababayaan ng ating Panginoon. Kaya sa ating paggising at maging sa pagtulog, hindi mahirap sambitin ang katagang: Thank You Lord.
Manalangin Tayo: Panginoong Hesus, nagpapasalamat po kami sa lahat ng biyayang ipinagkakaloob Mo sa amin. Salamat sa pagkain sa pinagsasaluhan namin, salamat sa aming maayos na kalusugan, at salamat po sa aming matibay na pananalig Sa'yo. Salamat po Lord. AMEN.
--FRJ, GMA News