Sa Sumbungan Ng Bayan, idinulog ng isang netizen ang karanasan niya sa kanilang lugar kung saan mas nauna pa umanong nabakunahan ang foreigner at hindi na ito hinanapan pa ng ID.
Ayon sa netizen, kapitbahay niya ang foreigner. Pero pagdating sa kaniya, sinabihan siya ng staff sa vaccination center na hindi umano siya taga-roon at hinanapan pa siya ng ID.
"Hindi 'yan dapat nangyayari 'yan sa ground," sabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles.
"Kung sa barangay 'yan, kailangan siyempre, number one kung sino 'yung Pilipino dapat 'yun ang unahin," ani Nograles.
Dagdag ni Nograles, tama ang ginawa ng staff na hanapan ng ID ang nagpapabakuna, pero mali na nauna pa ang foreigner sa Pilipino. —Jamil Santos/LBG, GMA News