Mula sa mga pera, ilang kilalang lugar, mga aklat at iba pang babasahin, “Pilipinas” na letrang “P” ang nakasanayan marahil ng mas nakararaming Pilipino sa pagsusulat ng pangalan ng ating bansa. Pero may ilan na naniniwala na mali ito at ang tama daw na baybay--“Filipinas.”  Bakit nga ba?

“P” na Pilipinas

Ilang araw bago ng paggunita ng Buwan ng Wika ngayong Agosto, inihayag ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) na pinamumunuan ngayon ni Commissioner Arthur Casanova, na Pilipinas na "P" ang dapat na baybay sa pangalan ng ating bansa, at hindi Filipinas.

Itinalaga noong Enero 2020 si Casanova na kapalit ni National Artist for Literature Virgilio Almario bilang pinuno ng KWF.

 


Sa panahon ni Almario noong 2013, nagpalabas ng desisyon ng KWF na "Filipinas" na baybay ang gamitin sa mga opisyal na komunikasyon.

Sa "pagbabalik" sa baybay na Pilipinas ng pangalan ng bansa, sinabi ni Casanova na ito ay batay sa isinasaad ng Saligang Batas na binuo noong 1987.

Sa naging kapasyahan ng mga namumuno ngayon sa KWF, inihayag din ni Casanova na "P" na Pilipino ang dapat na baybay sa pagtukoy sa mga mamamayan at kultura ng Pilipinas.

Binanggit din niya ang panimula o preambulo sa Saligang Batas na binanggit ang sambayanang "Pilipino" bilang pagtawag sa mga mamamayan.

 


Kung tumutukoy naman sa lengguwahe o wika ng bansa, “Filipino” na "F" ang dapat na baybay.

Sinipi ni Casanova ang bahagi ng nakasaad sa Artikulo 16 ng Saligang Batas na nagsasabing: "Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino."

Paglilinaw ni Casanova, wala pa ring pagbabago sa baybay na “Filipino” sa pagtukoy sa mamamayan at lengguwahe ng bansa kung sa wikang Ingles ito isusulat

Pagsulong ng “Filipinas”

Matatandaang isinulong ni Almario sa kaniyang pamumuno sa KWK noong 2013 ang baybay na “Filipinas” sa halip na "Pilipinas” bilang opisyal na pagsulat sa pangalan ng bansa.

 


Para kay Almario, ang pagbaybay sa “Filipinas” ay pagbabalik sa dati at pagsunod sa batas na ginawa noong 1987 sa bagong alpabetong Filipino.

Dagdag ni Almario, ang “Filipinas” ang tunay na pangalan ng bansa dahil Las Islas Filipinas ang ipinangalan ng mga Kastila rito noong ika-14 siglo.

Aniya, ang baybay na “Pilipinas” ay ibinatay sa lumang alpabeto ng bansa, ang Abakada, na inalis sa sistema noong 1987. Samantalang ang baybay na “Filipinas” naman ay nakabatay sa makabagong alpabeto ng Filipino na binubuo ng 28 titik.

Giit ng National Artist, ang mga titik na F at V ay ilan sa mga letrang dati nang ginagamit ng mga katutubo tulad ng mga Maranao at Ivatan.

Balik-tanaw sa letrang P at F

Noon pa mang unang panahon, gumagamit na ang ating mga ninuno ng katutubong paraan ng pagsusulat na tinatawag na baybayin.

Ang baybayin ay binubuo ng labimpitong simbolo na kumakatawan sa mga titik: 14 na katinig at tatlong patinig. Ang mga simbolong kumakatawan sa mga letra ay gaya ng sumusunod:

Ang baybayin ang naging batayan ni Lope K. Santos para sa pagsusulat ng Balarila ng Wikang Pambansa noong 1940, ayon kay Almario sa Binagong Gabay sa Ortograpiya ng Wikang Filipino ng Komisyon sa Wikang Filipino noong 2013.

Sa Balarila, idinagdag ang katinig na R at ginawang lima ang patinig na, A, E, I, O, at U kaya naging 20 ang mga titik ng Abakada base sa sumusunod na pagkakahanay: A, B, K, D, E, G, H, I, L, M, N, NG, O, P, R, S, T, U, W, Y.

Samantala, hindi na naisali pa sa Abakada ang mga tunog na C, CH, F, J, LL, Ñ, Q, RR, V, X, Z, sa kabila ng impluwensiya ng wikang Espanyol sa mga wikang katutubo sa Pilipinas.

Ngunit sa pagpasok ng dekada 70, nagkaroon ng radikal na reoryentasyon ng pagpapaunlad sa Wikang Pambansa, dahil na rin sa pagkuwestiyon ng pagpapalaganap ng umano’y “puristang Tagalog” ng Surian ng Wikang Pambansa pati na rin ng iba pang ahenisya ng pamahalaan.

Sa Konstitusyon ng 1973, tinawag na “Filipino” ang Wikang Pambansa kung saan nadagdagan ng 11 titik ang Abakada matapos ang mga serye ng simposyum noong 1976.

Dahil sa dami ng bagong “pinagyamang alpabeto,” nakatanggap ito ng mga puna kaya pagdating ng 1987, nalathala ang 28 na mga titik sa gabay na Alpabeto at Patnubay sa Ispeling ng Wikang Filipino, ang binagong pangalan ng Surian ng Wikang Pambansa.

Tinanggap ang mga dagdag na titik na: F,J,Ñ,Q,V,X, at Z.

Dagdag ni Almario, pinalaganap din ang isang “modernisadong alpabeto” na ipinababása ang mga titik sa paraang Ingles, maliban sa Ñ na alpabetong Espanyol, gaya ng sumusunod: A /ey/, B /bi/, C /si/, D /di/, E /i/, F /ef/, G /dyi/, H /eyts/, I /ay/, J /dyey/, K /key/, L /el/, M /em/, N /en/, NG /endyi/, Ñ /enye/, O /o/, P /pi/, Q /kyu/, R /ar/, S /es/, T /ti/, U /yu/, V /vi/, W /dobolyu/, X /eks/, Y /way/, Z/zi/.

Ito na ang itinaguyod bilang alpabetong Filipino sa paglalagda ng Konstitusyon ng 1987. Pero mayroon mga pagtutol sa pagpapalit ng pangalan ng bansa sa “Filipinas.”

Palag sa Filipinas

Sa pagsulong ng Komisyon sa Wikang Filipino na gawing “Filipinas” ang pangalan ng bansa, nakatanggap ito ng mga pagtutol, partikular na mula sa ilang propesor at institusyon ng Unibersidad ng Pilipinas.

 



"Matagal nang kinikilala na Pilipinas ang opisyal na pangalan ng ating bansa," ayon sa kanilang pahayag at inihayag ng ilang propesor na walang legal na basehan ang pagpapalit ng baybay ng pangalan ng bansa sa “Filipinas.”

Bukod dito, makikita sa mga legal na dokumento tulad ng pasaporte, mga selyo, at salapi, ang opisyal na pangalan ng bansa bilang "Republika ng Pilipinas."

Binanggit nila ang naging deliberasyon sa 1986 Constitutional Commission kung saan sinabi ng Commissioner na si Wilfrido Villacorta na "Pilipinas is also the country's official name."

Wala rin umanong basehan sa lingguwistika ang pagpapalit ng pangalan ng bansa sa “Filipinas.”

"Walang saysay ang anumang patakarang pangwika kung ito ay sumasalungat sa kung ano ang nasa isip at ginagamit ng mga tagapagsalita nito. Kaya't mahalagang isaalang-alang ang likas na kaalaman at kasalukuyang gamit ng mga tagapagsalita nito sa anumang gagawing pagtatakda ng mga patakarang pangwika,"anang mga propesor na tutol sa bayabay na Filipinas.

Pilipinas gawing "Maharlika"?

Sa ating kasaysayan, ilang pag-uusap o mga debate na rin ang umusbong hinggil sa pangalan ng ating bansa.

Sa artikulo ni Quennie Ann Palafox na “Filipinos to be called ‘Rizalines,’” sinabing bukod sa “Filipinas,” may ilan ang nagsulong na palitan ang pangalang “Pilipinas” tulad ng “Maharlika.”

Ito ang inihain ng noo'y senador na si Eddie Ilarde sa Parliamentary Bill 195 noong 1978, na ayon sa kaniya, ang Maharlika ang ating sinaunang pinakamana, bago pa man makatapak sa ating kalupaan ang mga mananakop mula sa kanluran.

Ang “Maha” ay nanggaling sa Sanskrit na nangangahulugang dakila, samantalang ang “Likha” ang ating salita na nangangahulugang paglalang. Kaya ang pakahulugan ng Maharlika ay “Dakilang Nilikha.”

Ayon naman sa historyador na si Celedonio Resurreccion sa kaniyang “Why We Should Change the Name Philippines,” sinabi niya na nang maging komonwelt ang ating pagiging kolonya, pinalitan ang katawagang “Islas Filipinas” sa “Pilipinas,” na isang kolektibong konsepto.

Base na rin sa etimolohiya, ang pangalang “Filipinas” ay nangangahulugang “mga isla ni Felipe” na tumutukoy kay Haring Philip II ng Espanya, at ibinigay ng Espanyol na si Ruy Lopez de Villalobos.

Bago pa man ang kapanahunan ni Rizal, wala umanong katutubo ang tumawag sa kaniyang sarili bilang “Filipino,” dahil ang tawag sa kanila ng mga Espanyol ay mga Indio. Ang “Filipino” naman ay ginamit para sa mga purong Espanyol na isinilang na sa Pilipinas.

Ang iba pang pangalan na isinulong para sa pangalan ng bansa ay ang mga sumusunod: Solimania (hango kay Raja Soliman), Luzvimin (ang mga unang pantig ng Luzon, Visayas, Mindanao), Perlas ng Silangan, at Rizalinas (o mga isla ni Rizal).

If ain’t broke, why fix it?

Para kay David Michael San Juan, Full Professor sa Filipino/Philippine Studies Department ng De La Salle University-Manila, hindi na umano dapat pagtalunan ang usaping pagbaybay ng pangalan ng bansa dahil marami pang mahahalagang bagay at adbokasiya na dapat unahin lalo na ngayong may pandemya.

"Sa context namin, iniisip namin na itong mga usapin sa ispeling ay makadadagdag lang sa mga dapat pag-usapan, na marami pang dapat unahin sana," ani San Juan.

Gayunman, naniniwala si San Juan na sa kasalukuyang hakbang ng KWF na ibalik ang paggamit ng "Pilipinas" na baybay ay dahil sa ito na ang nakagawian ng mga Pilipino. Katulad sa mga perang iniimprenta ng Bangko Central na nakasaad ang “Republika ng Pilipinas,” at ang pambansang Pamantasan na “Unibersidad ng Pilipinas.”

 


“Kagaya ng binabanggit ng iba, maaaring mangailangan ng espesyal na batas kung gustong palitan itong baybay ng pangalan ng bansa dahil ang nakagawian na nga kung tutuusin ay de facto legal tradition ay letter Pilipinas,’” sabi ni San Juan, lead convener ng Tanggol Wika, isang grupong nagsusulong na gamitin ang Filipino at Panitikan sa curriculum ng Filipino.

Dagdag ni San Juan, inclusive na ang paggamit ng Pilipinas.

“Kasi wala namang nagrereklamo noon pa sa pangalan na letter P ng ‘Pilipinas.’ Kahit Kapampangan, Bulakenyo, Ilokano, Pangasinense, Maranaw, walang nagreklamo ng ‘Ayaw naming ng pangalan ng bansang Pilipinas with a P kasi ganito dapat ang espeling,’” anang DLSU professor.

“If ain’t broke, why fix it? Kung hindi naman sira at wala naman masyadong isyu, huwag na lang pakialaman,” sabi ni San Juan.

Pulso ng publiko

Ilang mag-aaral at guro ang hiningan ng komento hinggil sa usapin.
Si Alvin Matira, Grade 7 Filipino teacher sa Bacoor National High School, mas pabor sa Pilipinas dahil patunay umano ito na "lumalaya tayo sa anino ng nakaraan."

"Sa aking pananaw bilang isang guro sa asignaturang Filipino ay tuluyan tayong lumalaya sa kahapon. Bagamat mahalagang tanawin ang kasaysayan, wala na tayo tanikalang nagtatali sa atin sa anino ng Kastila," paliwanag niya.
Sabi pa niya, maaaring pag-usapan pero hindi dapat pagtalunan ang paksang ito sa pangalan ng bansa.

Si Gien Cobie Villena, incoming freshman sa Manila Tytana College, sinabing mas maraming problema ang dapat na pagtuunan ng pansin.

“It's quite peculiar to see that they are having a debate sa pangalan ng bansa natin knowing that there are issues that need more attention. That's not a problem that needs solving so why waste time on it?," saad niya.

Giit pa niya, ang identidad ng bansa ay hindi lamang nakalimita sa pangalan kung hindi sa tao, kultura at tradisyon nito.

"Let's appreciate the Filipino identity through our literature and culture,” ayon kay Villena.

Para naman kay Yssa Thea Raya, Grade 8 student ng Escuela de San Dionisio, nakasanayan na ng mga Pilipino ang baybay na Pilipinas sa pangalan ng bansa kaya hindi na kailangan na baguhin pa ito.

"Hindi natin kailangang pagtalunan ang pangalan ng Pilipinas sa panahon natin ngayon na maraming kinakaharap na problema ang ating bansa katulad ng pandemya, korapsyon, at iba pa. Ito ang nararapat bigyan ng pansin,” ani Raya.

Naniniwala din si Adonis Francisco, residente sa Parañaque City, na dapat na Pilipinas ang gamitin na baybay sa pangalan ng bansa dahil ang Filipinas ay gamit noon pang panahon na sakop tayo ng mga Kastila.

"Sa dayuhan ‘yun eh [ang Filipinas]. Ako kasi ‘yon na ang kinamulatan ko, ang Pilipinas. Para sa akin ang babaw (na pagtalunan). May mga dapat pang mas dapat na tugunan sa bansa, hindi ‘yung spelling,” giit niya. -- Fidel R. Jimenez/GMA News