Ang pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa ating kapuwa ay laging magkasama at hindi maaaring paghiwalayin (1 Juan 4:19-21).
"Tayo'y umiibig sapagkat ang Diyos ang unang umibig sa atin. Ang nagsasabing, iniibig ko ang Diyos subalit napopoot naman sa kaniyang kapatid ay isang sinungaling."
Kung ang kapatid na kaniyang nakikita ay hindi niya magawang ibigin, paano nga naman niya maiibig ang Diyos na hindi niya nakikita?
Ito ang utos na ibinigay sa atin ni Hesus: Ang umiibig sa Diyos ay dapat din umibig sa kaniyang kapatid". (1 Juan 4:19-21)
Itinuturo sa atin ng Talatang ito na madaling sabihin na mahal natin ang Panginoong Diyos subalit mahirap patunayan.
Ang akala natin, kapag tayo ay nagdadasal at nagsisimba, ang ibig sabihin na nito ay mahal na natin ang Diyos kahit hindi tayo magmahal ng ating kapwa.
Subalit ang pag-ibig sa Panginoong Diyos ay laging naka-kabit o naka-angkla sa pagmamahal natin sa ating kapuwa. Hindi natin maaaring paghiwalayin ang dalawang ito.
Kahit ipangalandakan pa natin sa buong daigdig na tayo ay nagmamahal sa ating Panginoon, lilitaw na huwad na pag-ibig ito kung hindi mo kayang mahalin ang iyong kapwa. Sapagkat ang pag-ibig ng Diyos sa atin ay walang pinipili o itinatangi.
Ngunit paano nga ba tayo magmamahal na katulad ng pagmamahal ng Diyos?
Napanood ko sa isang pangangaral ang tungkol sa iba't ibang uri ng pagmamahal na inuuukol ng tao sa kaniyang kapuwa.
Ito ay ang pagmamahal na: "Kung," "Dahil" at "Kahit Na" o "Kahit Pa."
Magmamahal daw tayo KUNG ang mamahalin natin ay kaya din tayong mahalin. Magmamahal tayo KUNG mabait siya sa akin.
Ang pangalawa ay magmamahal tayo DAHIL guwapo o maganda siya. Magmamahal tayo DAHIL mayaman o mapapakinabangan siya.
Ang pangatlo ay magmamahal tayo KAHIT NA sinasaktan tayo, o magmamahal tayo KAHIT PA paulit-ulit niya tayong sinasaktan.
Maaaring kaya hindi magawang mahalin ng isang tao ang kaniyang kapuwa na sanhi ng KUNG at DAHIL. Hindi niya magawang magmahal ng kapuwa DAHIL sinaktan siya at KUNG nagpakita lang din ng katumbas na pagmamahal sa kaniya ay doon lang siya magmamahal.
Ngunit ang pagmamahal sa atin ng Panginoon Diyos ay yung KAHIT NA at KAHIT PA. Mahal tayo ng Diyos KAHIT NA paulit-ulit tayong nagkakasala, mahal tayo ng ating Panginoon KAHIT PA tayo ay masama at makasalanan.
Kaya ba nating gayahin ang pagmamahal ng Diyos? Kung talagang totoong tayong nagmamahal sa Diyos, dapat ang magmahal tayo sa ating kapuwa ng KAHIT NA at KAHIT PA.
Manalangin Tayo: Panginoong naming Diyos, turuan Mo nawa kami na maipakita din namin sa aming kapuwa ang aming pag-ibig gaya ng pag-ibig namin Sa'yo. Kahit Pa at Kahit Na kami'y saktan nila. AMEN.
--FRJ, GMA News