Si Hesus ang tutulong sa atin para gumaan ang ating mga pasanin sa buhay (Mateo 11:28-30).
Minsan, kaya nagiging mabigat ang ating paglalakbay sa buhay dito sa mundo ay dahil sa dami ng ating tinatawag na "excess baggage," o mga dala-dalahin na hindi naman natin kailangang bitbitin.
Nagiging mabigat ang ating mga pasanin sa buhay dahil ang dami nating iniisip at inaasam. Halos buong buhay natin, wala nang naging mahalaga sa atin kundi ang mga materyal na bagay.
Masyadong iniisip ang pagyaman o ang maging tanyag. Kahit pa gumawa ng ilegal o masasamang bagay, o makatapak ng ibang tao. Nagiging makasarili at mapagmataas.
At kapag nakamit na ang inaasam, hindi pa rin makokontento at may bagong gusto na naman. Kaya kapag naglaho ang mga bagay na ito sa ating buhay, ang pakiramdam niya para na siyang pinagsakluban ng langit at pinabayaan ng Diyos.
Inilulugmok tayo ng sobrang kapighatian dahil masyado nating isinentro ang ating buhay sa mga bagay na kung tutuusin ay mga "excess baggage." Pinipilit nating balikatin kaya nagiging mabigat ang ating paglalakbay sa buhay na ito.
Mababasa natin sa Mabuting Balita (Mateo 11:28-30), na winika ni Hesus na, "Lumapit kayo sa akin. Kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan". (Mateo 11:28).
Kapag masyado nang mabigat ang ating mga dalahin at pasan sa ating mga balikat, inaanyayahan tayo ni Hesus na lumapit sa Kaniya. Sapagkat Siya ang ating makakatuwang upang gumaang ang problema at mga iniisip sa ating buhay.
Minsan, kailangan natin talagang magbawas ng ating mga dalahin. Hindi lang sa materyal na bagay kung hindi maging sa personal na usapin.
Tulad ng hindi pagkakaintindihan sa kamag-anak, kaibigan, o katrabaho. Kung maliit na bagay lang naman ang dahilan ng hindi pagkakaunawaan, matutong yumuko at makipag-ayos.
Baka hindi mo alam, gusto rin pala niyang makipagbati rin pero nahihiyang mauna. Alalahanin natin na sandali lang ang "biyahe" nating ito sa mundo. Baka kung kailan mo gusto nang makausap ang nakahidwaan mong kaibigan, kamag-anak o katrabaho, ay huli na ang lahat.
Sa sandaling maisip mo siya, o bigla mong naramdaman ang katagang "nami-miss" ko yata siya; huwag nang magdalawang-isip at kontakin mo na siya. Kung sakaling hindi ka pa rin niya gustong kausapin, ang bigat ng "bagahe" ay nasa kaniya na, hindi na sa iyo.
Sa materyal na bagay naman, ang lagi lang naman nating iisipin ay dumating tayo sa mundong ito nang walang dala-dala kung hindi ang ating sarili lang. At kapag natapos na ang ating "paglalakbay" sa mundo ito, wala ring tayong bibitbitin sa ating paglisan.
Pero sa panahong masyado nang mabibigatan sa ating mga dalahin, o problema, naririyan ang ating Panginoong HesuKristo na nakahandang makinig at tumulong sa atin.
Tinitiyak sa atin ni Hesus sa Ebanghelyo na sa oras na lumapit tayo sa at isuko natin sa Kaniya ang ating buhay, makakatagpo tayo ng kapahingahan. (Mateo 11:29).
Inaaanyayahan tayo ng Pagbasa na magtiwala tayo kay Hesus sapagkat tanging sa Kaniya lamang natin matatagpuan ang totoong kaligayahan at matiwasay na paglalakbay lalo na kung kasama natin Siya. Happy trip sa ating lahat.
Manalangin Tayo: Panginoon namin, sa oras na kami po ay nabibigatan na sa aming mga pasanin, nawa'y tulungan Mo pong pagaanin ang mga mga pasanin upang maging matiwasay ang aming paglalakbay. AMEN.
--FRJ, GMA News