Mistulang "teacher's enemy no.1" sa isang paaralan sa Batangas ang isang unggoy na pumapasok sa mga silid-aralan at naninira ng mga gamit.
Kahit na kagubatan ang itinuturing kaharian ng mga unggoy, nasasanay na rin ang mga hayop na ito na magpagala-gala sa mga siyudad.
Sa programang "Born To Be Wild," naobserbahan ni Doc Nielsen Donato na tila may "sixth sense" ang mga unggoy dahil agad silang nagtatago kapag naramdaman nilang may mga tao na paparating para hulihin sila.
Ayon sa gurong si Mabel Lusing, Marso ng 2021 nang una nilang makita sa paaralan ang unggoy.
"Naninira po kasi siya ng aming mga gamit tapos po 'yung mga modules po na naka-pack namin para sa mga bata ginugulo niya po. Tapos 'yung mga kahon pinupunit niya and then 'yung mga health kit po ng mga bata binabasag niya po 'yung lalagyan. 'Yun pong bulak kinukuha niya at ikinakalat niya po sa aming classroom," anang guro.
May mga pagkakataon din na nagiging marahas ang mga unggoy kaya may mga insidente na may mga tao silang nasasaktan.
Masuwerte naman na wala pang naengkuwentrong tao o estudyante ang unggoy sa Batangas dahil wala pa namang face-to-face classes.
Ang host ng programa na si Doc Nielsen, sisikapin na mahuli nang buhay ang mapanirang unggoy gamit ang kaniyang tranquilizer gun.
Magtagumpay kaya siya o makakatakas lang ang matalinong matsing? Tunghayan sa video.
--FRJ, GMA News