Dahil sa pandemya, nagtiis ang isang overseas Filipino worker (OFW) sa Dubai na hindi muna makapiling ang kaniyang mga magulang sa Pilipinas na tatlong taon na niyang hindi nakikita. Natupad naman ang kaniyang hiling nang umuwi siyang fully-vaccinated na.
Sa "On Record," sinabing halos 14 taon nang engineer sa Dubai si Nestor Echague, na sinisigurong makauwi kada taon para makasama ang kaniyang mga magulang.
Pero dahil senior citizen na ang mga ito, nagtiis na hindi muna umuwi si Nestor hangga't hindi pa siya nababakunahan. Bukod dito, may iniinda na ring sakit ang 80-anyos niyang ama na si Tatay Ron.
"Wala po akong hesitation, talagang 100 percent po ako. Kasi actually nakaplano po talaga ang uwi ko ng July (2020). Kaya lang po ang kalagayan ni tatay biglang nanghina. Talaga pong April pa lang po vaccinated na ako," sabi ni Nestor.
Mayo nang matapos ang pangungulila ni Nestor nang makauwi na rin siya sa bansa na fully-vaccinated na.
"Never ko pong nakita o naramdaman sa kaniya na pinalo kami o pinagalitan kami in public o sinigawan kami. Napaka-patient, napaka-loving na ama. 'Yun po ang sinusunod ko rin po ngayon," sabi ni Nestor tungkol kay Tatay Ron.
"Ang buhay nga po kasi ng tao is uncertain. Any moment puwede tayong kunin ng ating Panginoon. Naiiyak po ako kasi kumbaga 'yung time na supposed to be ma-spend ko sa aking mga magulang ay hindi ko po naibigay," ayon kay Nestor.
Hunyo 12 nang makabalik na sa Dubai si Nestor at ang isa pa niyang kapatid. Pero sa kasawiang palad, pumanaw na si Tatay Ron noong Hunyo 16 ng gabi.
Tunghayan ang nakaantig na kuwento sa video ng "On Record." --FRJ, GMA News