Sa kabila ng kaniyang kapansanan sa mga kamay, patuloy na nagsisikap ang isang ama na fishball vendor para maibigay ang pangangailangan ng kaniyang pamilya.
Sa GMA Public Affairs Exclusives, sinabing hindi matiis ni Tatay Noel Perez, na magkulang pagdating sa kaniyang pamilya, kahit na may "kulang" o wala siyang mga kamay.
Mas kilala bilang si "Mang Weng" ng kaniyang mga suki, nag-viral sa social media at hinangaan ng netizens si Tatay Noel dahil sa kaniyang pagsusumikap.
Taong 1983 nang maputol ng isang kamay ni Tatay Noel at nabaldado naman ang isa pa matapos makuryente sa dati niyang pinapasukang construction site.
Sa kabila ng kaniyang kondisyon, hindi siya nawalan ng paga-asa dahil napagtapos pa rin niya sa pag-aaral ang dalawa niyang anak.
Sa ngayon, patuloy na nagtatrabaho si Tatay Noel para tugunan ang pangangailangan sa pagpapagamot ng kaniyang asawa.
"Nakapag-abroad nga po 'yung anak ko pero mahina po 'yung sahod. Kailangan ko pong magtrabaho 'yung sa misis ko po kailangan pa 'yung medication," sabi ni Tatay Noel.
Tunghayan ang buo niyang kuwento sa video. --FRJ, GMA News