"Kung ang iibigin lamang ninyo ay ang mga umiibig sa inyo, anong gantimpala ang inyong makakamit? (Mateo 5:43-48).

Ano na lamang ang mangyayari sa isang pamilya kapag ang bawat miyembro ay magkakaaway at magkakagalit? Katulad na rin ng sitwasyon sa isang bansa kung hindi magkakasundo ang kaniyang mamamayan.

Anong kapalaran ang naghihintay sa isang pamilyang bangayan nang bangayan? Magkagalit ang mag-asawa, magulang laban sa mga anak, o kapatid laban sa kapatid?

Itinuturo ng Mabuting Balita (Mateo 5:43-48) ang aral tungkol sa pagmamahal natin sa lahat--maging sa ating mga kaaway. Mahirap man itong gawin subalit ito ang nararapat sapagkat tayo ay mga Anak ng ating Panginoong Diyos.

Mababasa natin sa Ebanghelyo ang matandaang kultura ng mga Judio na ang kailangan lamang na ibigin ay ang mga taong umiibig din sa atin. At dapat namang kamuhian ang mga kaaway. (Mateo 5:43)

Ngunit sa pananaw ng Panginoong Diyos, itinuturo Niya sa atin ang tamang konsepto at pamamaraan ng pag-ibig na walang itinatangi.  Mahalin at ipanalangin ang ating mga nakaaway, at maging ang mga taong umuusig sa atin. (Mateo 5:44)

Inaanyayahan tayo ng Pagbasa na tularan natin ang dakilang "pag-ibig" ng ating Panginoong HesuKristo, na inialay ang sarili para sa lahat--maging sa mga makasalanan.

Hindi makikitaan ng galit si Hesus laban sa mga lumapastangan sa Kaniya. Sa katunayan, sinabi pa Niya sa Kaniyang Ama na: "Patawarin ang mga taong ito sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa." (Lucas 23:34)

Mahirap para sa isang taong mamuhay na may itinatagong galit sa kaniyang dibdib. Maliban sa may masamang epekto sa kalusugan at isipan ang pagkikimkim ng galit, maaapektuhan din nito ang relasyon natin sa Panginoon.

Nais mo bang sa pagmulat ng iyong mga mata sa umaga ay nasa isip mo na ang galit dahil sa hindi mo magawang patawarin ang iyong nakaaway? Hindi ba't mas masaya ang buhay kung panatag ang iyong isipan at kalooban?

Nakasaad sa Ebanghelyo: "Sapagkat pinasisikat Niya ang araw sa mabubuti gayon din sa masasama. At nagpapaulan Siya sa mga matutuwid at sa di-matuwid." (Mateo 5:45)

Itinuturo sa atin ng Ebanghelyo na kung paiiralin lamang sana natin ang pag-ibig sa bawat isa tulad ng pag-ibig ni Hesus, wala marahil na kaguluhan sa mundo, sa loob ng isang pamilya at maging sa mga magkakaibigan.

Hindi madali ang makipagkasundo sa ating mga kagalit lalo na kung malalim ang sugat na iniwan nito sa ating puso, ngunit inaanyayahan tayo ng Pagbasa na sa halip na galit ay ipaubaya natin sa Panginoon ang mga bagay na ginawa sa atin. Huwag mag-isip na maghiganti at huwag mag-isip ng ikasasama ng kaaway dahil maghuhulog ito sa atin sa kasalanan.

Manalangin Tayo: Panginoon, turuan Mo po kaming maging mahinahon at gantihan nawa namin ng kabutihan ang mga taong nagkasala sa amin. Dahil hangad namin na matularan ang Iyong pag-ibig. AMEN.

--FRJ, GMA News