Kung worldwide average ng maselang bahagi ng katawan ng lalaki ang pag-uusapan, lumalabas na kapos ang sukat ng mga Pinoy. Pero kung kulang man sa laki, puwede nga bang bumawi sa performance?
Sa programang "iJuander," sinabing may pag-aaral na 5.35 inches ang worldwide average ng ari ng mga lalaki. Pero ang mga Pinoy, nasa 4.27 inches lang daw.
Ayon sa psychiatrist na si Dr. Joan Mae Perez Rifareal, mayroong "macho culture" ang mga Pinoy kung saan nagkukumparahan sila sa sukat ng kanilang maselang bahagi ng katawan, pati na rin ang iba pang parte ng kanilang katawan.
Kaya ang iba, naiisipan na palakihin ang ari kahit sa delikadong paraan tulad ng pag-i-inject ng ng petroleum jelly.
'THE BIG 15': Ilang mister sa Malabon, nagpalaki ng maselang bahagi ng katawan gamit ang petroleum jelly
"Whatever lotion, whatever peel, whatever cream, they do not work to increase your penile size. Ang desisyon talaga ng penile size mo is more of your genetic predisposition," sabi ng urologist na si Dr. John Mark Garcia.
Ang ilang kalalakihan, naniniwalang maaari namang mabawi sa performance sa pakikipagtalik ang kakapusan sa sukat ng ari.
"Performance and size go hand and hand. Iba rin naman 'yung malaki pero hindi marunong gumamit, so wala ring point 'yon," sabi naman ni Dr. Garcia.
"Tandaan po natin na hindi po nagma-matter ang size ng ating ari. Ang atin pong pagkatao, ang ating personality is mas malaki pa po beyond pa, more than 'yung size po ng ating sex organ," sabi ni Dr. Rifareal.
Panoorin sa video ang buong talakayan sa isyu at ang peligro sa pagpapalaki ng ari.
--FRJ, GMA News