Wala mang motorsiklo, hindi naman padadaig ang mga bata sa kanilang mga kalaban sa karera ng gulong sa maputik at lubak-lubak na "race track." Saan nga ba ito ginagawa?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ang video sa naturang kakaibang karera na "kaliring race" na ginagawa ng mga bata sa Quezon, Bukidnon bago pa man mangyari ang pandemya.
Ang mga bata, paunahan kung sino ang makakarating sa finish line habang pinapaandar ang lumang gulong ng motorsiklo.
May hawak ang mga bata na patpat na may tapaladong plastik para mapaandar at makontrol ang takbo ng gulong.
Ang mananalo may premyong P100 bilang libangan ng mga residente sa lugar.
Kung may libangan na kaliring race sa Bukidnon, panoorin naman ang ala-Tarzan na pagtatampisaw sa dagat sa Quezon, at ang pagpapadausdos naman sa pinatuyong sanga ng niyog sa Negros. Panoorin ang video ng "KMJS."
--FRJ, GMA News