Bago bumalik sa piling ng Kaniyang Ama sa Langit si Hesus, , iniwanan Niya tayo ng isang napakagandang regalo (Juan 14:27-31).
Naalala ko noong malapit nang pumanaw ang aking lola, bago siya nalagutan ng hininga ay ibinilin niya sa akin na: "Alagaan mo ang daddy mo."
Ganoon pala ang pakiramdam kapag pinagbilinan ka ng isang taong nasa bingit na ng kamatayan at segundo na lamang ang binibilang bago siya pumanaw sa ibabaw ng mundo.
Sa ating Mabuting Balita (Juan 14:27-31), bago bumalik ang ating Panginoong HesuKristo sa kaniyang Ama, tayo ay iniwanan Niya ng isang napakagandang regalo at maituturing na rin na habilin.
Winika ni Hesus: "Kapayapaan ang aking iniiwan sa inyo. Kapayapaan ko ang aking ipinagkakaloob sa inyo" (Juan 14:27).
Hindi ba't tunay na napakagandang regalo at habilin ito ng mula sa ating Tagapagligtas? Siya na ang nagsakripisyon para sa atin, Siya pa ang nag-iwan ng napakagandang hangarin para sa atin.
Dahil ang kapayapaang pinatutungkulan ni Hesus ay ang kalinisan ng ating konsensiya, pagiging tapat natin sa Panginoong Diyos at kapayapaan sa pamamagitan ng pag-ibig sa isa't-isa.
Subalit nakalulungkot isipin na ang iniwang regalo sa atin ng Panginoong HesuKristo ay binabalewala ng ilan sa atin na para bang wala itong kahulugan at kabuluhan.
Maraming bansa ang hindi nagkakasundo-sundo, at nag-aaway-away maging ang kani-kanilang mga mamamayan. Nagkakaroon sila ng alitan dahil sa magkakaibang pananaw at politika. Katunayan, kahit sa social media ay walang pakundangan ang siraan, at panlalait ng iba.
Marahil ay ikinalulungkot ng ating Panginoon ang nakikita niya sa ibabaw ng lupa. Sino nga bang tao ang hindi malulungkot kung ang ibinilin mo-- lalo na kung ito ay maituturing na regalo--ay hindi nagawang pahalagahan ng iyong pinagbilinan?
Sa halip ang kanilang ginagawa ay taliwas sa magandang hangarin na ipinagkaloob mo bago ka lumisan.
Nais ni Hesus na lumaganap ang pag-ibig sa bawat isa sa atin sa pamamagitan ng kapayapaan. Sapagkat sa buong panahon ng kaniyang Ministeryo sa ibabaw ng lupa ay pag-ibig ang Kaniyang ipinapakalat sa sangkatauhan.
Nuong Siya ay nakapako na sa Krus, pag-ibig pa rin ang namumutawi sa Kaniyang mga labi nang sabihin niya: "Ama patawarin Mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa". (Lucas 23:34).
Ngunit ano ang ating ginagawa? Hindi tayo nagkakasundo-sundo, magkakaiba ang ating paniniwala at pananampalataya, wala tayong pagkakaisa, wala kapayapaan sa ating paligid, at puno nang pagkamuhi ang laman ng ating mga puso.
Nawa'y simulan na natin ngayong pahalagahan ang kapayapaang ibinilin at iniwan sa atin ng ating Panginoong HesuKristo. Isang tabi na natin ang galit, pagkamuhi at samaan ng loob. Simulan na rin natin ang makipagbati sa ating mga nakagalit at maging instrumento ang kapayapaan at tagapagpalaganap ng pag-ibig ng Diyos.
Manalangin Tayo: Panginoon, tulungan Mo po kaming maihasik ang iyong kapayapaan sa bawat isa sa amin. Nawa'y lumaganap ang Iyong pag-ibig upang mapuksa ang poot at galit sa aming puso. AMEN.
--FRJ,GMA News