Stroke at heart condition ang lumitaw na dahilan ng kamatayan ng isang curfew violator sa General Trias, Cavite. Ibig sabihin ba nito ay wala nang pananagutan ang mga awtoridad na sinasabing nagparusa sa kaniya na pumping exercise?
Sa segment na "Kapuso sa Batas," sinabi ni Atty. Gaby Concepcion, na maaaring magkaroon ng kasong kriminal kung ang pagkamatay o injury ng isang tao ay dulot ng iginawad na pisikal na parusa.
READ: 2 curfew violators sa General Trias, Cavite, kinumpirma ang physical exercise na parusa sa kanila
"If it can show na direct link between yung punishment na ibinigay saka yung naging resulta ng injury o death, so dapat lamang talagang panagutan ito na ginawa na labag sa intensiyon ng batas," paliwanag niya.
Idinagdag niya na ang naturang uri ng pagtrato sa mga nahuhuling lumalabag sa curfew o quarantine restriction ay maituturing isang klase ng torture na labag sa ilalim ng RA 9745 o Anti-Torture Act of 2009.
Ayon kay Atty. Concepcion, bawal sa ilalim ng batas ang pagpaparusang ibinibigay ng isang "person in authority" "that causes [severe] pain, exhaustion..." sa hinuling tao na nasa kustodiya nila, pisikal man o sikolohikal.
Kaya naman mahalaga na may kasama ring ibang tao ang sinomang nahuhuli para mapagtibay ang pagpapatunay tungkol sa magiging reklamo.
Kapag nagpatuloy ang ilang mga awtoridad sa pagbibigay ng corporal punishment sa kabila ng pagbabawal ng Department of the Interior and Local Government (DILG), maaari silang makasuhan ng insubordination.
Paalala ni Atty. Concepcion, meron pa ring mga karapatan ang isang tao kahit siya ay inaresto na dapat niyang ipaalala nang mahinahon sa mga awtoridad, tulad ng pagiging malaya sa anomang pagpaparusa.
Panoorin ang buong talakayan sa naturang usapin sa video na ito.-- FRJ, GMA News