Sa halip na mawala ang bara sa lababo, disgrasya ang inabot ng dalawang babae nang "sumabog" ang nabili nilang sink solution online, at naging dahilan para malapnos ang kanilang mukha. Ang isang biktima, nanganganib na mabulag ang isang mata.
Na-engganyo raw na bumili ng Wild Tornado sink solution ang kaanak ng isang biktima dahil sa bagsak-presyo ito at ginawa pang buy-one-take-one.
Kuwento ni Libralyn, inilagay niya sa baradong lababo ang nabiling produkto at nilagyan ng mainit na tubig batay sa nakasaad na instruction.
Ilang saglit lang, bigla umanong sumambulat ang kemikal at ang mainit na tubig na tumama sa kaniyang mukha at iba pang parte ng katawan.
Ang isang mata ni Libralyn, nanganganib na mabulag dahil tinamaan din ang kaniyang cornea.
Ganito rin ang nangyari kay Rome na nalapnos din ang mukha at ibang parte ng katawan matapos na lagyan ng mainit na tubig ang sink solution.
Bukod sa peligrong idinulot kina Libralyn at Rome, mayroon din ilang vlog na nagpapakita sa ilang sumubok sa "Wild Tornado" pero nadismaya dahil hindi raw epektibong naalis ang bara sa lababo o sa palikuran.
Ang naturang sink solution, lumilitaw na hindi rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA) at wala ring sertipikasyon ng ICC o import commodity clearance.
Ano nga bang mayroon sa Wild Tornedo na sinasabing "sumasabog" at nakalalapnos ng balat at bakit nga ba ito naibebenta online? May pag-asa pa kayang maisalba ang mata ni Libralyn? Panoorin ang video sa itaas.
--FRJ, GMA News