Laking gulat ng isang 25-anyos na lalaki sa Kidapawan, North Cotabato, nang malaman niyang may patalim palang nakabaon sa kaniyang katawan nang magpa-X-ray siya. Paano nga ba ito nangyari at bakit hindi niya ito namalayan sa loob ng isang taon?
Sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Kent na kinailangan niyang magpa-X-ray bilang bahagi ng rekisitos sa inaaplayan niyang trabaho.
Laking gulat niya nang tanungin siya ng nagsasagawa ng X-ray kung may dala ba siyang patalim, na kaniya namang itinanggi. At nang suriin, doon na natuklasan na ang patalim na nasa apat hanggang anim na pulgada ang haba na nasa loob ng kaniyang katawan.
Mapalad daw si Kent na hindi umabot sa kaniyang baga ang patalim na wala nang hawakan. Pero pinayuhan siyang ipaalis ang patalim dahil magdudulot ito ng panganib sa kaniyang buhay.
Pero paano pumasok sa katawan niya ang patalim at hindi niya namalayan sa loob ng isang taon?
Kuwento ni Kent, Enero 2020 nang makursunadahan siya at masaksak habang nakaangkas sa motorsiklo.
Natabig daw niya ang kamay ng sumaksak sa kaniya na maaaring naging dahilan kaya naputol ang hawakan ng patalim.
Sa ospital, sinuri lang ng duktor ang tinamo niyang sugat sa likod at kaagad na tinahi dahil sa pag-aakalang mababaw lang ito.
Dahil hindi siya na-X-ray nang panahon iyon, hindi alam ni Kent na may naiwan palang patalim sa likod niya.
Ngunit ngayong nalaman na ni Kent ang nangyari, sampahan kaya niya ng kaso ang doktor na gumamot sa kaniya at maging ang ospital na pinagdalhan sa kaniya noon?
Samantala, may alok naman ang pagamutan kay Kent na muli siyang ooperahan para maalis ang patalim at tutulungan siya habang naghahanap siya ng trabaho. Tanggapan kaya ito ni Kent? Alamin ang kasagutan sa video sa itaas ng "KMJS."
--FRJ, GMA News