Higit na naging masakit para kay Hesus ang ipagkanulo, itakwil at abandonahin Siya kaysa sa mga latay na tinamo ng Kaniyang katawan (Lucas 22:39-53).
NARANASAN mo na bang pagtaksilan, itanggi at abandonahin ng taong labis mong pinagkatiwalaan lalo na kung ang taong ito ay itinuturing mong kaibigan?
Hindi ba't napakasakit? Sapagkat sa kabila ng inyong pinagsamahan ay nagawa niyang pagtaksilan ka, itakwil o kaya naman ay abandonahin sa panahong ikaw ay nangangailangan ng makakaramay.
Ganito ang naranasan ng ating Panginoong Hesus sa kuwento ng Mabuting Balita (Lucas 22:39-53) tungkol sa tatlong bagay na marahil ay naging masakit para kay Kristo, lalong-lalo na noong mga panahong nakatakda na Niyang harapin ang Kaniyang pagdurusa.
Maaaring naging masakit para sa ating Panginoong Hesus ang tatlong bagay na naranasan Niya sa kamay pa mismo ng mga taong labis niyang pinagkakatiwalaan--ang Kaniyang mga Disipulo na nakasama Niya sa buong panahon ng Kaniyang Ministeryo.
Ang tatlong bagay na naranasan at naging masakit para kay Hesus ay ang pagkakanulo sa Kaniya ni Hudas Iscariote; ang pagtatakwil sa Kaniya ni Simeon; at ang pag-iwan sa Kaniya ng ibang mga Alagad noong Siya'y dakpin sa hardin Gethsemane sa bundok ng Olibo.
Noong mga panahong nag-iisang nananalangin si Hesus sa hardin ng Gethsemane, mahaba at kakila-kilabot ang gabing iyon. Subalit kahit isa man lamang sa kaniyang mga Disipulo ay walang nagkaroon ng lakas ng loob upang Siya ay samahan at damayan sa panahong ng Kaniyang pagdurusa.
Naranasan ko rin ang ipagkanulo, itakwil at abandonahin ng mga itinuring kong kaibigan sa isang ahensiya ng pamahalaan na minsan kong pinagsilbihan. Nang matapos na ang aking termino sa ahensiyang iyon, isa-isa na ring nawala ang inakala kong mga kaibigan.
Hindi na nila ako inintindi, nanlamig ang kanilang pakikitungo hanggang sa tuluyan na nila akong kinalimutan at iniwan. Nang mga panahong iyon, ang pakiramdam ko ay nag-iisa na lamang ako. Wala akong karamay at wala rin akong malalapitan sa sandaling maharap ako sa kagipitan.
Marahil ay ganoon din ang naramdaman ni Hesus. Nag-iisang naghihirap ang ating Panginoon nang panahon iyon. Wala ni-isa man sa Kaniyang mga Disipulo ang nasa Kaniyang tabi para Siya ay damayan.
Batid nating hindi lamang sakit ng katawan ang iniinda ng ating Panginoong Hesus na dulot ang mga hampas ng latigo sa Kaniyang katawan. Dama rin Niya ang sakit ng kalooban at damdamin dahil sa pangungulila.
Ngunit wala Siyang itinanim na sama ng loob dahil batid Niya ang mga mangyayari.
Marami sa kasalukuyan ang tulad ni Hesus na patuloy na nagdurusang mag-isa. Tulad ng mga taong inabandona ng kanilang mga asawa; mga magulang na pinabayaan ng kanilang mga anak; at mga anak na iniwan ng kanilang mga magulang, at iba pa.
Sa panahon ng kalungkutan at kapighatian, wala silang karamay, walang mga kaibigan na tutumulong, at magulang na dapat sana ay kakalinga sa kanila.
Ang ating Ebanghelyo ay isang pagpapaalala na hindi natin dapat ipagkanulo, itakwil at abandonahin ang sinomang tao lalo na kung siya ay nahaharap sa isang mabigat na pagsubok sa buhay. Lalo na sa panahong ito ng kahirapan dulot ng pandemiya.
Ang sinoman sa atin ay nangangailangan ng karamay at mga taong may mabuting-kalooban na nakahandang magbigay ng tulong--maliit man o malaki--o kahit man lang simpleng pangungusap na magiging daan upang mapalakas ang kaniyang loob na patuloy na lumaban sa hamon ng buhay.
Manalangin Tayo: Panginoon, nawa'y bigyan Mo kami ng katatagan na huwag Kang talikuran at abandonahin. Turuan Mo po kaming manatili Sa'yo at maging tapat sa kabila ng mga mabibigat na pagsubok, at maging bukas-palad sa pagtulong sa mga nangangailangan. AMEN.
--FRJ, GMA News