Ibigay din natin sa Diyos ang pinakamaganda at pinakamabuti dahil Siya ay mapagbigay sa atin (Juan 12:1-11).

HABANG kapiling pa natin ang ating mga mahal sa buhay, ngayon pa lamang ay ipakita at ipadama na natin sa kanila ang ating pagmamahal.

Sapagkat hindi na natin ito magagawang iparamdam sa kanila kapag sila ay pumanaw na--lalo na kung biglaan.

Ganito ang ating matutunghayan sa Mabuting Balita (Juan 12:1-11) sa pagsisimula ngayong linggo ng Semana Santa.

Tungkol ito sa pagpunta ni Hesus sa Bethania, sa bahay ng kaniyang kaibigang si Lazaro na kaniyang binuhay, at may inihanda siyang hapunan para kay Hesus.

Habang kumakain si Hesus, si Maria naman ay kumuha ng bote ng mamahaling pabangong galing sa katas ng dalisay na nardo at ito'y ibinuhos sa mga paa ni Kristo. Pagkatapos ay pinunasan niya ito ng kaniyang buhok.

Pero pinuna ito ni Hudas Iscariote, at sinabing bakit hindi na lamang ipinagbili ang nasabing pabango at ibinigay ang pinagbilhan sa mga dukha.

Hindi naman ito winika ni Hudas dahil siya ay nagmamalasakit sa mga dukha. Kundi dahil siya ay isang magnanakaw at nangungupit ng donasyon.

Ang ating Panginoong Diyos ay napakamapagbigay, na kahit ang sariling "buhay" ay inilaan para sa ating kaligtasan mula sa mga kasalanan.

Ipinagkakaloob Niya lagi sa atin kung ano ang pinakamabuti.

Hindi Niya tayo tinitipid sa mga ibinibigay Niyang biyaya. Sapagkat nais Niyang maging maligaya tayo kaya ipinagkakaloob Niya ang ating mga pangangailangan.

Ngunit ano ang ating isinusukli? Kung minsan, kahit sa oras o panahon ay naging matipid tayo sa Kaniya. Naglalaan lamang tayo ng oras sa Panginoon kapag wala tayong masyadong gagawin. 

Nagkakaroon lamang tayo ng oras sa Diyos kapag gusto lamang natin magsimba at magdasal dahil mayroon tayong nais hilingin.

Nang punahin ni Hudas ang ginawa ni Maria, winika ng Panginoon: "Pabayaan si Maria na ilaan ang mga iyon dahil habang panahon ay kasama niyo ang mga dukha, ngunit ako'y hindi niyo kasama habang panahon" (Juan 12:7-8).

Bukod sa paglilingkod sa Panginoon, itinuturo din sa atin ng Pagbasa na habang kapiling pa natin ang ating mahal sa buhay ay ipakita at ipadama na natin sa kanila ang ating magmamahal sa kapuwa, tulad sa ating mga magulang, at mga nakatatanda.

Habang sila ay kapiling at nakakausap pa natin, gawin na natin ang lahat ng ating magagawa para maiparamdam at maipakita natin sa kanila ang ating pagmamahal--sa salita man o sa gawa.

Manalangin Tayo:  Panginoong Hesus. Sana'y turuan Niyo po kaming maglaan ng oras para Sa'yo at sa aming mga mahal sa buhay. Nawa'y matutunan namin ang paglalaan ng oras at panahon para Sa'yo dahil Ikaw ay aming iniibig. AMEN.

--FRJ, GMA News