Hindi habang panahong pababayaan ang dukha. Hindi na rin mawawala ang pag-asa ng maralita Mga Awit (Psalm) 9:18.
MARAMI sa atin ang marahil ay pinaghihinaan na ng loob at nawawalan ng pag-asa dahil isang taon na nating nararanasan ang pasakit na dulot ng COVID-19 pandemic.
Marami nang buhay ang nawala at marami na rin ang naapektuhan ang kabuhayan. Sa isang iglap, nagbago ang paraan ng pamumuhay ng napakarami sa atin.
Sa mga ganitong sitwasyon, hindi maalis na may mga nag-iisip at nangangamba kung ano ang kanilang magiging bukas.
Ngunit ipinapaalala sa atin sa Mga Awit (Psalm) 9:18 na hindi dapat mawalan ng pag-asa ang mga dukha at nangangailangan.
Lahat tayo ay biniyayaan ng Panginoon ng isang regalo na taglay natin mula nang tayo ay isilang--ang "pananampalataya." Ang regalong ito ang nagbibigay sa atin ng katatagan sakaling dumating ang mga mabibigat na suliranin sa ating buhay.
Ang matibay na pananalig sa Diyos ay ang magiging sandalan natin para harapin at malampasan ang mga pagsubok sa buhay dahil tayo ay Kaniyang iingatan.
Hindi kailanman pababayaan ng Diyos ang Kaniyang mga anak na nagtitiwala sa Kaniya.
Alalahanin natin kung paano iningatan ng Diyos ang pamilya ni Noah na naging ligtas matapos umulan ng apatnapung araw.
Ganoon din ang ginawa ng Panginoon kina Moises at sa mga Israelita na iniligtas Niya mula sa mga tumutugis na Egipcio o mga kawan ng Faraon.
Bukod sa pananampalataya, tayo ay pinagkalooban din ng Panginoon ng talino upang umisip ng paraan upang hanapan ng lunas ang mga suliranin.
Kaya anong dahilan para tayo ay mawalan ng pag-asa kung dalawang biyaya ang magkasamang pinagkaloob sa atin ng Diyos para tayo ay makabangon muli sa mga suliraning kinasasadlakan natin?
Masasabi lamang natin na wala nang pag-asa ang ating buhay kung nawala na rin ang ating pananalig sa Panginoon. Kung hindi na rin tayo nag-iisip ng paraan kung paano tayo ay makaahon sa ating mga problema.
Tinitiyak rin ng Diyos sa Sulat ni Josue na: "Tandaan mo ang bilin ko. Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Huwag kang matakot o mawawalan ng pag-asa sapagkat akong si Yahweh na iyong Diyos ay kasama mo saan ka man magpunta" (Josue 1:9).
Huwag natin kalimutang idalangin na: "Panginoon, sa Iyo 'ko inilagak ang pag-asa, maliit pa akong bata ay Sa'yo na ako may tiwala ( Awit, Psalm 71:5."
Manalangin tayo: Maraming salamat po Panginoon at hindi Mo kami pinababayaan. Patuloy Mo po kaming samahan upang maging matatag sa mga pagsubok na aming pinagdadaanan. AMEN.
--FRJ, GMA News