Sa pagtupad nila sa kanilang tungkulin bilang mga sundalo, nawalan ng braso si Corporal Ariel “Prince” Reyes habang naputulan naman ng magkabilang binti si Sergeant Jovan Patagani. Sa kabila ng trahedya, nanatili silang matatag para sa kanilang mga mahal sa buhay.
Sa episode ng "Stories of Hope," ikinuwento ni Reyes na sumabog ang bitbit niyang M203 grenade launcher nang tambangan sila ng mga pinaniniwalaang rebelde sa Davao Oriental noong 2019.
Si Patagani naman, kasama sa grupo ng mga sundalo na nagsasagawa ng humanitarian effort sa mga biktima ng bagyo noong 2014 sa Compostella Valley nang masabugan ng bomba ang kaniyang sinasakyan at doon napinsala ang kaniyang mga paa.
Kung papaano nila tinanggap ang kanilang naging pagsubok sa buhay at maging ng kanilang pamilya, tunghayan sa video na ito ng "Stories of Hope."
Samantala, sa pamamagitan ng mga makabago at high-tech na prosthesis ay mabibigyan ng panibagong pag-asa sina Reyes at Patagani upang makakilos sila nang maayos at makatulong sa kanilang pagbangon mula sa trahedyang sinapit.
--FRJ, GMA News