Huwag tayong mag-alala kung kulang ang ating tinapay dahil si Hesus ang bahalang magpuno nito (Mk. 8:14-21).
May mga tao na nababahala na baka kapusin sila sa kanilang pangangailangan kaya ipon sila nang ipon. Pero kahit nasa kanila na ang lahat, ang pakiramdam nila ay kulang pa rin ang kanilang yaman at hindi nawawala ang kanilang pagkabalisa.
Sa Mabuting Balita (Marcos 8:14-21), nakaramdam din ng pagkabalisa ang mga Alagad ni Hesus nang nakalimutan nilang magdala ng maraming tinapay at isa lamang ang kanilang nabitbit nang sila'y maglakbay.
Papaano nga naman magkakasya sa kanila ang iisang tinapay?
Batid ni Hesus ang pinag-uusapan at pag-aalala ng Kaniyang mga Disipulo kaya sinabi Niya sa kanila: "Bakit ninyo pinag-uusapan na kayo'y walang dalang tinapay?"
Ang tinapay ay naglalarawan bilang mga materyal na bagay at iba pang kayamanan dito sa ibabaw ng lupa na masyadong kinahuhumalingan ng tao.
Ito ang ating matutunghayan sa aklat ni San Mateo nang tuksuhin si Hesus ng Diyablo sa ilang na lugar at sabihin sa Kaniya na gawin Niyang tinapay ang mga bato (Mateo 4:3-4).
Ngunit tumugon ang ating Panginoon na: "Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawa't salitang nagmumula sa bibig ng Diyos."
Kaya naman hindi dapat mabalisa at mag-alala ang mga Alagad at maging tayo na mga tao kung kulang ang "tinapay" na ating dala-dala sa buhay. Si Hesus na rin ang nagsabi na may higit pang mahalaga kaysa sa "tinapay" o sa mga kayamanan at luho dito sa ibabaw ng lupa.
Kaya mababasa natin sa Mabuting Balita na ipinaalala ng Panginoong Hesus sa kaniyang mga Alagad ang mga himalang Kaniyang ginawa at nasaksihan nila mismo; tulad ng pagpaparami ng tinapay para pakainin ang limang libong tao at lumabis pa.
Hindi pa rito natatapos ang ipinakitang himala ni Hesus, pinarami din Niya ang pitong tinapay para ipakain sa apat na libong tao.
Kaya nang matapos Niyang ipaalala ang mga himalang ito sa Kaniyang mga Alagad ay tinanong Niya sila kung hindi pa rin ba nila ito nauunawaan.
Nais ituro sa atin ng Ebanghelyo na gaya ng mga Disipulo, hindi natin kailangang mag-alala at mabahala sa mga materyal na bagay dito sa ibabaw ng lupa dahil alam ng Diyos ang ating mga pangangailangan.
Ang higit na kailangan nating pagtuunan ng pansin ay ang ating pananalig sa Diyos at ang pagpapasakop sa Kaniyang kapangyarihan.
Ipinaliwanag ni Hesus sa sulat ni San Mateo na: "Kaya't huwag kayong mag-alala na baka kayo kapusin sa pagkain, inumin o damit. Hindi ba't ang mga Hentil ang nababahala tungkol sa mga bagay na ito? Alam na ng inyong Ama na nasa Langit na kailangan ninyo ang lahat ng ito" (Mateo 6:31-32).
Ang sobrang pag-aalala natin sa mga kayamanan dito sa lupa ay siyang unti-unting pumapatay sa ating relasyon sa Panginoong Diyos. Bagay na hindi natin dapat hayaang mangyari.
MANALANGIN TAYO: Panginoong Hesus. Tulungan Mo po kaming huwag mag-aala sa mga materyal na bagay dito sa lupa dahil batid namin na hindi Mo po kami pababayaan. Sa halip ay patatagin Ninyo ang aming pananalig sa Panginoon. AMEN.
--FRJ, GMA News