Sa murang edad na tatlo, humaharap na sa matinding pagsubok sa buhay ang batang si Sam dahil sa isang hindi pangkaraniwang karamdaman na ang isa sa mga sinasabing dahilan ay ang pagiging magkamag-anak ng kaniyang mga magulang.
Sa programang "Tunay Na Buhay," sinabing ang HFS, ay isang kakaibang uri ng sakit sa balat na pinagmumulan ng mga bukol, na kapag sobrang laki na ay pumuputok.
Sa buong Pilipinas, isa lamang umano si Sam sa tatlong pasyente ng mayroong ganitong karamdaman na sanhi ng problema sa genes.
Bukod sa mga bukol, may iba pang kondisyon na iniinda si Sam, kabilang na ang hindi pag-unat ng kaniyang mga kamay at mga paa.
Noong nakaraang taon, mula sa probinsiya ay nagkaroon ng pagkakataon ang mga magulang ni Sam na madala sa Maynila at maipasuri sa Philippine General Hospital ang kanilang anak sa tulong ng mga nagmalasakit.
Ayon kay Jackelyn, ina ni Sam, sinabi sa kanila ng duktor na ang HFS ay dulot umano ng pagiging magkamag-anak nila ng kaniyang mister na si Jayson.
Paliwanag ni Jackelyn, doon lang nila nalaman na mag-asawa na magkamag-anak sila. Tinanong daw nila ang kani-kanilang mga magulang tungkol dito pero hindi nila matukoy kung papaano ito nangyari.
Pero dahil na rin sa kahirapan at pandemic, sa pamamagitan na lang ng online ang patuloy na komunikasyon ni Jackelyn sa duktor ni Sam sa PGH.
Ayon sa duktor, kailangang sumailalim sa operasyon si Sam para maalis ang mga bukol at kailangan din ng bata na sumailalim sa therapy para makakilos siya na mag-isa.
Pero magagamot pa nga ba ang HFS ni Sam? Tunghayan ang buo niyang kuwento sa video na ito.
Sa mga nais tumulong kay Sam, makipag-ugnayan sa kaniyang ama na si Jayson Pajanostan sa cellphone no. 09678095255. --FRJ, GMA News