Walang imposible sa Diyos kung buong puso nating ipagkakatiwala sa kaniyang mga kamay ang lahat ng ating suliranin (Mk.6:34-44).
KUNG iisipin mo, sa kabila ng matinding kahirapan at krisis na naranasan natin noong nakaraang taong 2020 ay pinagpapala pa rin tayo ng Panginoong Diyos.
Sa harap ng epekto ng COVID-19 pandemic at mga kalamidad tulad ng malalakas na mga bagyo, lindol at pagputok ng bulkan ay nakaraos pa rin tayo sa awa ng Diyos.
Ito'y dahil buo at matatag ang ating pananalig sa Panginoon na sa kabila ng kahirapan at krisis ay hindi natitinag ang ating pananampalataya sa Kaniya.
Sa ating Mabuting Balita (Marcos 6:34-44), mababasa natin na walang imposible sa Panginoong Diyos kung buong-buo ang ating tiwala at pananampalataya sa Kaniya.
Ang anumang kakulangan ay kayang punuan ng Panginoon tulad ng ating mababasa sa Ebanghelyo. Tulad ng ginawa niyang pagpapakain sa limang libo katao na Kaniyang tinuruan bagaman limang tinapay at dalawang isda na lamang ang natitirang pagkain na kanilang ipamahagi.
Ang anumang kulang o kaya'y kakulangan natin sa ating pamumuhay ay kayang punuan ng Panginoong kung matibay ang ating pananampalataya sa kaniya.
Hindi tulad ng kaniyang mga Apostol na nagduda o nag-alangan muna dahil sa kawalan nila ng pananalig.
Mababasa natin sa Mabuting Balita na mistulang pinagdudahan ng mga Alagad ang kakayahan ni Kristo at para bang hindi Niya kayang gumawa ng himala para maparami ang kaunting tinapay at isda na mayroon sila.
Minsan kung ating iisipin, paano tayong nakatawid sa krisis nuong nakaraang taon gayong ang ilan sa atin ay nawalan ng pagkakakitaan at nagipit nang labis dahil sa pandemiya.
Isipin na lamang natin na walang imposible at walang hindi kayang gawin ang Panginoong Diyos basta't matibay ang ating pananalig na sasamahan natin ng pagsisikap.
Sa halip na isipin nang isipin ang problema, ang dapat gawin ay taimtim na manalangin at humingi ng tulong sa Panginoon upang magabayan Niya tayo sa paghahanap ng solusyon.
Ang mga Alagad ni Jesus, inisip ang problema kung papaano mapapakain ng libu-libong tao sa kakarampot na pagkain na hawak nila. Nakalimutan nila na kasama nila ang solusyon (Jesus) sa kanilang problema na mayroong kakayahang punuan ang anumang kakulangan basta't magtiwala lamang sa Kaniya.
Kung ang ating magiging pananaw sa buhay ay tulad ng naging pagtingin ng mga Apostol, talagang lalo lamang tayong malulugmok sa problema sa halip na makaahon.
Tandaan na lamang natin na walang pangyayari na pinabayaan tayo ng Diyos at walang pangyayari na hindi Niya didinggin ang ating mga panalangin.
MANALANGIN TAYO: Panginoon, turuan mo po kaming magtiwala sa Inyo at alisin Mo ang aming mga pagdududa upang ang anumang kakulangan sa aming buhay ay Iyong mapunuan. AMEN
--FRJ, GMA News